Gerald may inamin: Iyon ang pinakamasakit na ginawa ko sa buong buhay ko, di ko ma-explain!

gerald anderson

MATINDI ang training at motivation ang ginawa ng mga bida ng bagong daytime serye ng ABS-CBN na Ikaw Lang Ang Iibigin para maging makatotohanan ang mga gagawin nilang eksena.

Gaganap na mga triathlete sina Kim Chiu, Gerald Anderson at Jake Cuenca sa nasabing teleserye kaya talagang pinaghandaan nila ito. Sina Jake at Gerald ay sumali sa tunay na triathlon habang si Kim ay nakipag-participate sa mga fun run at duathlon.
Sabi ni Kim nang makatsikahan namin pagkatapos ng presscon ng Ikaw Lang Ang Iibigin, “Masarap po, self-fullfilment na hindi mo alam na magagawa mo, pero magagawa mo.”

Kuwento naman ni Gerald, tumakbo naman daw siya ng 42K, “Ay, iyon ang pinakamasakit na ginawa ko sa buong buhay ko. Hindi ko ma-explain. Hindi ako nakalakad pagkatapos, hindi ako nakakain, akala ko makakain ako ng marami kasi tumakbo ako ng ganu’n kalayo, wala talaga.

“But ‘yung experience, mga taong nakilala ko habang tumatakbo ako, ‘yung nakikita ko, ‘yung nararamdaman ko, hindi ko ipagpapalit kahit saan,” sabi pa ng binatang aktor.

Magiging bahagi na raw ito ng lifestyle nina Gerald at Kim, kahit daw matapos na ang kanilang teleserye ay tuluy-tuloy na ang pagtakbo nila.

“Para sa aming lahat, lifestyle na, at sana kayo rin, hindi ganu’n ka-intense, sabi ko nga personal goal ko na makapag-inspire ng mga tao na mag-exercise, magkaroon ng happy and healthy lifestyle,” say ni Gerald.

Sa tanong kung sasali pa ba si Gerald sa full marathon, “Kung may chance ulit, pero mas nagpo-focus ako ngayon sa triathlon, meron ulit sa Linggo, April 30 sa Subic, excited na ako.”

Naisip ba nina Kim at Gerald na sumali sa national competition? “Ako wala naman, ang ka-compete ko lang sarili ko, ‘yung abilidad ko para gawin ang isang bagay,” sagot ni Kim.

Say naman ng kanyang leading man, “Honestly, mayabang kasi ako, gusto kong i-represent ang country natin sa ganu’ng sports. Kaya nu’ng pumunta ako sa LA Marathon, sobrang living a dream, suot ko pa ‘yung Flag ng Pilipinas at ang daming Pinoy na nagru-root para sa akin. Bata palang ako, ‘yun na ang pangarap ko.

“But nakakahiyang sabihin kasi ang daming magagaling na Pilipino na gustong mag-represent ng bansa, siguro kung wala lang akong taping at shooting, susubukan ko, pero mas magagaling ‘yung mga nagre-represent para sa atin,” aniya pa.

Magsisimula na sa Lunes ang Ikaw Lang Ang Iibigin kung saan makakasama rin sina Coleen Garcia, Gina Pareño, Bing Loyzaga, Ayen Munji-Laurel, Michael de Mesa, Daniel Fernando, Dante Rivero, Andrea Brillantes, Grae Fernandez at marami pang iba, sa direksyon ni Dan Villegas under Dreamscape Entertainment.

Read more...