‘Bliss’ ni Iza nakakapraning

iza calzado

GRABE! As in grabe pala talaga ang kontrobersyal at pinag-uusapang pelikula ni Iza Calzado na “Bliss” directed by our favorite Jerrold Tarog.

Nabigyan kami ng chance na mapanood ang “Bliss” kamakakailan sa ginanap na press screening sa Gateway Cinema at talaga namang “nabaliw-baliw” kami sa tema at kuwento ng pelikula.

Naiintindihan namin ang mga board members ng MTRCB kung bakit binigyan nila ng X rating nu’ng unang review ang movie, ito’y dahil na rin sa sandamakmak na murahan at hubaran. Not to mention the fact na may batang involved dito na nabiktima ng kahalayan.

Pero agree kami sa sinabi ni Iza sa isang interview na kailangan sa kabuuan ng “Bliss” ang lahat ng mga nakakaloka at shocking na mga eksenang ginawa nila.

Simula pa lang ng pelikula ay highlight na dahil sa mga eksena ni Iza na mala-crossword puzzle ang drama dahil mapapaisip ka kung ano ba talaga ang nangyayari sa kanya at kung bakit paulit-ulit na nangyayari ang eksenang yun.

In fairness, deserving ang aktres sa lahat ng mga papuri na natatanggap niya para sa ipinakita niyang akting sa “Bliss”. At para sa amin, ito na ang pinakamaganda at pinaka-challenging movie na nagawa ni Iza sa history ng kanyang showbiz career.

Karapat-dapat lang na siya ang manalong Best Actress sa Osaka Asian Film Festival (Yakushi Pearl Award) nitong nakaraang Marso. Ang role niya bilang si Jane Ciego na isang sikat na sikat na celebrity na naaksidente at dumaan sa matinding bangungot ng kanyang buhay.

Kahit ang supporting cast sa pelikula ay di rin nagpatalbog lalo na si TJ Trinidad na gumaganap bilang lasenggo at sugarol na asawa ni Iza at si Ian Veneracion sa role as Iza’s sikat na ka-loveteam. Remarkable rin ang role ni Shamaine Buencamino bilang stage mother ni Iza.

Pero ang talagang nang-agaw ng eksena sa pelikula ay ang indie actress na si Adrienne Vergara bilang isang nurse na biktima ng pangmomolestiya na magiging tagapag-alaga ni Iza.

Ang lupet ng atake niya sa kanyang role kaya naman super react talaga ang mga manonood sa bawat eksena niya. Wala rin siyang patumanggang naghubo’t hubad sa isang eksena kung saan pinaligaya niya ang kanyang sarili.

May bahid din ng katomboyan ang pelikula, pero hindi kami sigurado kung ano ang magiging reaksiyon ng mga kapatid nating lesbian sa mga nasabing eksena. I’m sure, may ilan sa kanila ang magbibigay ng bayolenteng komento kapag napanood na nila ang movie.

Inamin naman ng direktor ng movie na si Jerrold Tarog na nagulat sila kung bakit nabigyan ng X rating nu’ng unang review ang “Bliss”, “Our movie contains a lot of mature content, sexual acts, nudity, and strong adult themes and language. But we believe that Filipino audience is more than capable of handling a film like this.

“Ang isa sa mga objective namin is to present something na hindi pa nagagawa in local cinema. Shocking and disturbing siya in a way but I’m confident na handa na ang mga kababayan natin sa ganitong uri ng pelikula,” ani direk.

Actually, sa ginanap na celebrity screening kamakailan para sa “Bliss” ay nagpa-survey ang production sa mga nanonood, tinanong ang mga ito kung anong rating ang ibibigay nila sa movie, out of 770 people, 500 ang bumoto for R-18 at 200 naman sa R-16. Ibig sabihin kontra rin sila sa X-rating na ibinigay ng MTRCB sa pelikula.

Kasama rin sa “Bliss” sina Michael de Mesa bilang gay TV host, Audie Gemora as Lexter Palao na isang terror na direktor, Stephanie Sol as Emma, ang personal alalay ng karakter ni Iza na naanakan ni TJ Trinidad, at Star Orjaliza as Ate Ling.

Ang “Bliss” ay sa ilalim ng produksyon ng BlissfulFilmPH at TBA (Tuko Film Productions, Buchi Boy Entertainment at Artikulo Uno). Mapapanood na sa mga sinehan ang uncut at uncensored version nito sa May 10 nationwide.

Read more...