SA 20 taon na ginagawang pagbabantay at paglilingkod ng Bantay OCW sa ating mga OFWs, karamihan sa mga kasong inilalapit dito ngayon ay pawang walang anumang kaugnayan sa kanilang mga trabaho.
Tulad ng kasong kinakaharap ni Ian Fuellas. Maayos sana ang kaniyang trabaho sa Singapore. Mataas ang respeto sa mga inhinyero at iba pang mga professionals sa bansang iyon. Hindi rin matatawaran ang galing at kakayahan ng mga kababaihan nating naninilbihan sa mga tahanan doon.
Kaya nga lamang marami ang nagpapadala sa samu’t saring tukso ni Satanas.
Mga gawaing maiiwasan sana kung naging malakas sana silang tanggihan ang mga panggigipit ng ito ng Diablo, at merong malakas na “moral fiber”.
Bukod sa kaliwa’t-kanang mga balita ng pagnanakaw ng ating mga OFW sa iba’t ibang bansa, narito na naman ang isa pang kaso nang kahalayan upang harapin nito ang hatol na apat na buwang pagkabilanggo dahil sa pagkuha niya ng malalaswang video ng mga kababaihan doon.
Sa Singapore ipinagbabawal ang pagkuha ng larawan at video kapag nasa mga train stations. Nang minsang naroroon ang Bantay OCW team, pinaalalahanan ng ating mga opisyal ang ating team na huwag silang kukuha ng larawan at video habang nasa mga MRT stations.
Ayon sa report, Agosto noong nakaraang taon ng arestuhin si Fuellas matapos nitong kunan nang patago ang ilang mga kababaihan sa Bukit, Panjang MRT Station.
Nahuli mismo ng isang concerned citizen ang ginagawa ng Pinoy engineer kung kaya’t agad nitong kinumpronta ang Pinoy upang itigil ang kalaswaang ginagawa sa biktima.
Mabilis siyang naireport sa station master ng MRT kung kayat umaksyon naman ito kaagad. Lalong bumigat ang kaso ni Fuellas nang matagpuang may 38 videos ng iba’t-ibang babae na kinunan niya sa iba’t ibang MRT station.
Sinampahan ng 31 kasong “insulting modesty” si Fuellas.
Ikinukonsidera pa ang ibang mga kaso at kaparusahang ipapataw sa Pinoy OFW.
Bakit nga ba sa mga panahong ginagawa ito ng ating OFW, animo wala itong takot at asang-asang hindi siya mahuhuli.
Hinahayaan nilang kontrolin sila ng kanilang mga maling pagnanasa: fleshly desires at desires of the eyes, kung kaya’t sa bandang huli, mas mabigat na kabayaran ang kapalit ng kanilang panandaliang kahalayan.
Kapag nakasuhan at nakulong sa mga bansang ito, maraming mga taon ding blacklisted ang Pinoy at hindi maaaring bumalik ng Singapore.
Mga sinasadya itong kasalanan!
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (mula Lunes hanggang Biyernes, alas-10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali) audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.