MUKHANG lalong lumalim ang dapat na hukayin kaugnay ng mga pabahay ng gobyerno.
May nahalukay na dagdag na isyu si House committee on housing and urban development chairman at Negros Occidental Rep. Albee Benitez.
Bukod sa isyu ng pag take over ng mga miyembro ng Kadamay sa pabahay para sa mga pulis at sundalo sa Pandi, Bulacan, sinabi ni Benitez na dapat ding tignan kung bakit hindi tinitirahan ang mga pabahay ng gobyerno.
Ayon sa Commission on Audit, walong porsyento lamang ng 57,000 pabahay ng gobyerno sa buong bansa ang tinitirahan. Ibig sabihin mas marami pa ang nakatiwang-wang.
Sa datos na nakuha ni Benitez, 73 porsyento na sa mga pabahay na ito ang nai-award na sa mga may-ari nito. Nangangahulugan na maaari na nilang tirahan ang bahay.
Ang tanong ay bakit hindi nila ito tinutuluyan. Sa dami ng mga pulis at sundalo na walang sariling bahay, bakit hindi nila tinitirahan ang mga bahay na laan para sa kanila. Nakakapagtaka di ba?
May nagdududa tuloy na baka mamaya ginagamit lang ang pangalan ng mga pulis at sundalo para mabili ang mga bahay. Baka pag tumaas ang presyo, ang balak ay ibenta rin ito at pagkakitaan.
O baka naman ayaw ng mga pulis sa lugar na ibinigay sa kanila? Pero kung ayaw nila bakit sila kumuha?
Hinihintay pa rin ng publiko ang pagbabago na ipinangako ni Pangulong Duterte sa biyahe ng Metro Rail Transit Line 3.
Isa ang pagpapatino sa biyahe ng MRT sa mga pangako ni Duterte noong eleksyon.
Aminado, hindi ganun kadali solusyunan ang problema sa tren na nagpatong-patong na sa paglipas ng panahon.
Kahit na madalas nasisira ng MRT— na bukod sa luma na ay overloaded— ay marami pa rin ang sumasakay dito.
Kung wala kang sariling sasakyan ay bakit ka nga naman sasakay pa ng bus eh matatrapik ka naman sa EDSA?
Kung sa EDSA ay aabutin ka ng dalawang oras sa biyahe sa MRT ay 30 minuto lamang makakarating ka na sa magkabilang dulong istasyon.
Kaya lang ang tanong ay kung gaano katagal ang gugugulin mo bago ka makasakay. At kung hindi masisiraan.
Noong Biyernes, isa ako sa mga pinalad na sakay ng tren na nasira sa Boni Avenue station sa Mandaluyong. Sumakay ako sa Magallanes station, at dahil ikalawang istasyon mula sa dulo (Taft Avenue station) ay maluwag pa ng sumampa ako sa tren.
Kaandar pa lang sa Guadalupe station Ave., ng biglang huminto ang tren. Sabi ng driver wag sandalan ang pintuan at nagkaka-technical problem.
Ilang beses na huminto ang tren bago nakarating sa Boni Avenue station.
At doon, sinabi ng driver na may technical problem at hindi na itutuloy ang biyahe. Sa madaling salita ay pinababa ang lahat ng pasahero.
Doon nagsimula ang panibagong yugto ng pakikibaka. Puno na ang tren kapag dumating sa Boni Ave., kaya pahirapang sumakay.
At isipin nyo kung papaano sisiksik ang mga taong bumaba sa nasirang tren at sasakay sa tren na puno ng dumating.
Talagang totoo ang sinasabi nila kaugnay ng pagsakay ng MRT.
SASAKAY KANG DIWATA AY LALABAS KANG MANDIRIGMA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.