SAN Jose de Buenavista, Antique — Agad nakahablot ang host Antique ng gintong medalya sa secondary boys javelin throw matapos na magwagi si James Lozañes na nagtala ng bagong record sa pagsisimula ng 2017 Palarong Pambansa athletics competition dito sa Binirayan Sports Complex.
Inihagis ng 17-anyos mula Estancia National High School (Region 6 Western Visayas) na si Lozañes ang 700-gram spear sa layong 59.46 metro sa ikatlo nitong pagtatangka upang burahin ang dating record ni Bryan Pacheco na kanyang ginawa noong 2013 Dumaguete Palaro na 57.81 metro.
Pumangalawa si Ronald Lacson ng Region 6 sa inihagis na 57.30m habang ikatlo si Manny Maquiling ng Region 10 (Northern Mindanao) sa inihagis na distansiya na 54.66 metro.
Hindi naman nasayang ang mga paghihirap ni Jay Ann Labasano ng Northern Mindanao matapos nitong itala ang pinakamatinding upset sa unang araw ng kompetisyon.
Iniuwi ng 17-anyos at Grade 11 student mula sa Manolo Fortich, Bukidnon na si Labasano ang gintong medalya sa Secondary Girls 3000m upang talunin ang Palaro record holder at multi-medalist na si Jia Anne Calis ng NCR at Maria Junaliza Abutas ng Region 1.
“Di ko talaga inexpect na mananalo ako. Nagpapasalamat po ako sa Panginoon dahil natupad ko po ang pangarap ng aking mga magulang,” nasabi lamang ni Labasano na ikalima sa walong magkakapatid na ang ama ay tagatanim ng cassava o kamoteng kahoy habang ang ina ay isa naman na tindera.
“Tinalo po ako noon sa division meet ng kakampi ko na si Camila Tubiano na pumang-apat ngayon kaya po ginawa ng tatay ko ay sinanay niya ako sa pag-iigib ng tubig na bitbit ang apat na litro sa magkabilaan para mas mapabilis ko po ang paghakbang ko,” sabi ni Labasano ngayon lang nakalahok sa taunang Palaro.
Itinala ni Labasano ang oras na 10:32.67 habang nagkasya lamang ang Palaro 1,500m record holder na si Calis sa pilak sa tiyempo nitong 10:41.15. Naka-tanso si Abutas sa oras na 10:44.68.
Ang record-holder sa event ay si Mea Gey Ninura ng Region 11 na itinala ang record noong 2016 Legazpi Palaro sa oras na 10:03.40.
Minsan pa ay muling napakabagal ang paglalagay ng mga resulta na kada taon na lamang nagaganap kung saan natapos na ang mga event na nagsimula ganap na alas-6 ng umaga subalit hapon na ay hindi pa rin naibibigay ang opisyal na resulta at nai-poste sa kanilang itinakda na website.