Ateneo Lady Eagles umusad sa UAAP volleyball finals
PINATALSIK ng top seed na Ateneo de Manila University Lady Eagles ang Far Eastern University Lady Tamaraws sa loob ng apat na set, 25-22, 25-10, 16-25, 26-24, upang muling makaharap ang karibal na nagtatanggol na kampeong De La Salle University sa kampeonato ng UAAP Season 79 women’s volleyball tournament Linggo sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sinandigan ng Lady Eagles sa krusyal na ikaapat na set ang rookie na si Ana Gopico, na galing sa De La Salle-Zobel, na siyang nagtabla sa iskor sa 24 matapos agawin ng Tamaraws ang abante sa 23-24 bago sinamantala ni Jhoana Maraguinot ang 4-touch error ng FEU sa pagpalo ng pampanalong puntos upang magbalik sa kampeonato.
Agad na ipinamalas ng Lady Eagles ang buong lakas sa pagwagi sa unang dalawang set kung saan nilimitahan nito ang Tamaraws sa 10 puntos lamang sa ikalawang set bago bumangon sa kabiguan sa ikatlong set sa tanging naging matira-matibay na labanan na ikaapat na set.
Makakaharap ng Lady Eagles, na tumuntong sa ikaanim na sunod nitong kampeonato, ang Lady Spikers, na nasa ikasiyam naman nitong diretsong pagsabak para sa titulo. Ito naman ang ikaapat na sunod na sagupaan ng dalawang koponan para sa titulo.
Matatandaan na tinalo ng Lady Spikers noong nakaraang taon ang Lady Eagles para mahubaran ito ng korona.
Samantala, umahon ang FEU Tamaraws sa unang set na kabiguan bago ginulantang ang twice-to-beat na National University Bulldogs sa apat na set, 22-25, 26-24, 28-26, 25-17, upang makapuwersa ng isa pang matira-matibay na labanan para sa karapatan na lumaban para sa men’s volleyball title.
Sinandigan ng Tamaraws sina Jude Garcia na may 16 puntos tampok ang 3 blocks at 2 service aces pati na rin sina Richard Solis na may 15 mula sa 13 kills at 2 blocks tsaka sina Gregorio Dolor na may 14 puntos at Redijohn Paler na may 10 puntos upang panatiliing buhay ang tsansa na makabalik sa kampeonato makalipas ang tatlong taon.
Isasagawa ang sudden death sa pagitan ng Tamaraws at Bulldogs sa Miyerkules kung saan ang magwawagi ay iuuwi ang ikalawa at huling silya sa best-of-three Finals kontra naghahangad sa tatlong sunod nitong titulo na hindi pa nabibigo na Ateneo de Manila University.
“Noong first set medyo gigil at tensyonado. Hindi namin sila kaya sa matataas na bola,” sabi ni FEU coach Rey Diaz. “Sabi ko sa mga bata, huwag lang tayo maglaro ng volleyball, maglaro tayo ng smart volleyball.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.