PINUGUTAN ng mga miyembro ng Abu Sayyaf ang isang sundalong Tausug na kanilang dinukot sa Patikul, Sulu noong isang linggo, ayon sa militar.
Natagpuan ng mga tropa ng gobyerno ang mga labi ni Ssgt. Anni Siraji, 32nd Infantry Battalion ng Army sa Upper Brgy. Taglibi ganap na alas-3 ng hapon, ayon kay Brig. Gen. Cirilito Sobejana, Armed Forces Joint Task Force Sulu commander.
Naging miyembro si Siraji ng Army matapos ma-integrate mula sa Moro National Liberation Front (MNLF), ayon sa militar.
Pinaniniwalaang pinugutan si Siraji tatlong araw na ang nakakalipas, matapos dukutin sa Brgy. Igasan noong Abril 20, dahil naaagnas na ang katawan nito, sabi ni Sobejana.
Sinabi ni Sobejana na minadali ang pagpugot dahil hindi na nailibing ang katawan nito.
“They (Abu Sayyaf) attempted to bring the head, pero iniwan din nila 50 meters (from the body), sa isang slope,” ayon pa kay Sobejana.
Kinondena ni Sobejana ang pagpugot sa kapwa nila ka-tribo.
“Kapareho nilang Tausug pero hindi nila [pinalampas], ginawa pa rin nila yung karumal-dumal na pagpugot,” sabi ni Sobejana.
Dinala ang mga labi ni Siraji sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista sa Jolo at nakatakdang ibiyahe gamit ang bangka ng Navy kagabi para maibigay sa kanyang pamilya, sabi pa ni Sobejana.