Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
12 n.n. NU vs FEU (men’s semis)
4 p.m. Ateneo vs FEU (women’s semis)
INOKUPAHAN ng nagtatanggol na kampeong De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang isa sa dalawang silya sa kampeonato Sabado matapos nitong patalsikin ang University of Santo Tomas (UST) Tigresses sa kanilang Final Four duel sa UAAP Season 79 women’s volleyball tournament Sabado sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Hindi lamang siniguro ng Lady Spikers ang pagbabalik sa tatlong larong labanan para sa korona kundi itinala nito ang dagdag na kasaysayan na pagtapak sa siyam na diretsong kampeonato sa pagtakas ng apat na set na panalo, 25-14, 25-20, 24-26, 25-13.
Siniguro ng kapwa betereno na sina Kim Fajardo at Kim Keanna Dy na magbabalik ang defending champion Lady Spikers sa kampeonato sa pangunguna sa opensiba ng La Salle sa krusyal na ikaapat na set.
Agad na dinomina ng Lady Spikers ang labanan matapos magwagi sa dalawang sunod na set bago napabayaan ang Tigresses na agawin ang tanging naging mahigpitan na ikatlong set. Gayunman, muli itong nag-init sa ikaapat na set upang okupahan ang unang silya sa best-of-three na kampeonato.
Tila naging inspirasyon sa UST ang dramatiko nitong panalo sa ikatlong set kung saan nilabanan ng top hitter nito na si EJ Laure ang injury sa kanang paa subalit tuluyang nanlamig sa naging malamya na ikaapat na set upang tuluyan na mapatalsik sa labanan para sa titulo.
Agad na rumagasa ang DLSU sa 12-2 abante sa ikaapat na set na tuluyang nagbuhos ng malamig na tubig sa laban ng Tigresses, na napag-iwanan sa napakahirap ahunan na 24-13 iskor.
Dahil sa panalo ay hihintayin na lamang ng La Salle ang kanilang makakasagupa sa Finals sa pagitan ng Ateneo de Manila University at Far Eastern University na magsasagupa ngayong hapon.
Pinamunuan ni Fajardo ang Lady Spikers sa itinala na 11 puntos at 39 excellent set habang kasama nito sina Majoy Baron, Tin Tiamzon, setter Kim Fajardo at libero Dawn Macandili.