Sylvia takot na takot humiga sa kabaong: Pahirapan talaga ‘yun!

sylvia sanchez

GRABE ang iniwang marka ng panghapong serye ng ABS-CBN na The Greatest Love sa mga manonood. Hanggang sa ending nito ay talagang pinaiyak ng produksyon ang mga viewers.

Nitong nakaraang Biyernes ay nagtapos na nga ang journey ni Mama Gloria sa The Greatest Love na ginampanan ng buong husay ni Sylvia Sanchez. Inabangan ng lahat ang magiging ending ng serye kaya siguradong panalung-panalo ang finale episode nito.

Kaya naman marami pa rin ang gusto uling mapanood ang TGL at nagre-request sa ABS-CBN na sana raw ay magkaroon ito ng rewind at ilagay sa primetime, kabilang na rito ‘yung mga nag-oopisina na hindi gaanong nasubaybayan ang makulay at madramang buhay ni Mama Gloria.

Tumatak din sa manonood ang loveteam nina Peter (Nonie Buencamino) at Gloria na maski may mga edad na ay hindi nagpahuli sa mga millennial loveteams ngayon tulad ng KathNiel, JaDine, LizQuen at iba pa.

Para rin silang loveteam nina Ser Chief (Richard Yap) at Maya (Jodi Sta. Maria) sa Please Be Careful With My Heart na talagang inabangan at minahal ng viewers sa loob at labas ng bansa.

Sa ginanap na last taping day ng The Greatest Love noong Miyerkules ay tahimik daw ang buong cast, sabi ng nakausap naming staff ng show.

Nag-iiwasan daw ang lahat na umiyak dahil sa sobrang lungkot nila kasi nga magkakahiwa-hiwalay na sila. Kaya inalam namin kay Sylvia kahapon kung ano ang pakiramdam niya sa pagtatapos ng TGL.

“Malungkot, kasi siyempre, isang pamilya na kami, kung puwede lang kami-kami pa rin sana ang magkakasama sa next project namin. Kasi ang ganda ng nabuong rapport sa aming lahat, kami ng mga anak kong sina Dimples (Romana), Andi (Eigenmann), Arron (Villaflor), si Matt (Evans) at ang apo kong si Joshua Garcia.

“‘Yung kapag takes na, hindi na kami nangangapa pa, alam na namin ang gagawin, dire-diretso na, kaya ang gaan ng taping namin, ang bilis,” kuwento ng aktres.

At dahil namatay nga ang karakter ni Ibyang na si Gloria dahil sa sakit na Alzheimer ay paano siya napapayag na mahiga sa loob ng kabaong base na rin sa nakita naming posts sa social media.

“Naku, pahirapan ang pagpasok ko sa kabaong dahil for 27 years na gumagawa ako ng teleserye na namatay ako, ayaw na ayaw kong ipapasok ako sa kabaong dahil takot ako.

“Hindi ako takot sa patay, mas takot ako sa kabaong dahil nu’ng bata pa ako, ‘yan ang mga panakot sa amin, may kabaong, kabaong, ganu’n. Kaya tumatak sa isipan ko ‘yan.

“E, nu’ng sinabi sa akin ni Ms. Ginny (de Ocampo, business unit head), talagang umayaw ako nang todo, kinausap niya ako na hindi puwedeng hindi ako makita sa loob ng kabaong dahil namatay nga ako masisira ‘yung journey ni Gloria.

“Kaya sabi ko, sige pag-isipan ko, so tatlong araw akong nag-isip talaga, tama rin naman si Ms. Ginny na mawawala lahat ng saysay ng show kung hindi ako makikita (sa kabaong) saka hahanapin ng lahat si Gloria sa kabaong, saan napunta?

“Tapos kinausap ko asawa ko, (Art Atayde), sabi ko, ayaw kong humiga sa kabaong, sabi ni Art, ‘Hindi puwedeng hindi, humiga ka dahil lahat naman tayo mamamatay at hihiga.’ Kaya sabi ko sa asawa ko, ‘e, di ikaw humiga ro’n!’ Hayun, after three days, tinawagan ko na si Ms. Ginny at sabi ko ‘payag na ako.’

“Nagpasalamat si Ms. Ginny, actually, silang dalawa ng asawa ko ang nagpalakas ng loob sa akin para mapapayag diyan sa kabaong.

“Tapos nu’ng kinunan, nandoon si Ms. Ginny, binantayan niya ako, sabi ko kasi, gusto ko marami akong taong nakikita sa paligid, ayokong mag-isa, na ginawa naman nila.

“Sobrang takot ako, sa two days na kinunan ‘yung paghiga ko sa kabaong, hindi nawala ang nerbyos ko, hindi ako mapakali, buti na lang uso na ‘yung walang takip kaya nakabukas ang kabaong, pero tinakpan din in the end,” mahabang kuwento ni Ibyang.

Biniro namin siya na masarap namang humiga sa kabaong dahil malambot. “Oo nga malambot, pero nakakatakot talaga, nasu-suffocate ako,” tumatawang sabi niya sa amin.

q q q

Bagong mundo ang haharapin ni Marco (Carlo Aquino) dahil mabubuo nang muli ang kanyang pagkatao at maaalalang tunay niyang asawa si Camille (Shaina Magdayao).

Iyan ang mapapanood ngayong Lunes sa Kapamilya afternoon series na The Better Half.

Tuluyan nang manunumbalik ang alaala ni Marco at hindi na papapigil pang alalahanin ang nakaraan nila ni Camille. Dahil dito, mabubuko niya ang lahat ng kasinungalingan ni Bianca (Denise Laurel).

Samantala, ang The Better Half ang papalit sa timeslot ng The Greatest Love at mapapanood naman ang Pusong Ligaw pagkatapos ng It’s Showtime sa ABS-CBN.

Read more...