MULING nagkasagupa ang tropa ng pamahalaan at mga kasapi ng Abu Sayyaf sa Clarin, Bohol, Sabado ng hapon.
Sinasabing isang lider umano ng Abu Sayyaf na natitira pa sa Bohol ang napatay.
Naganap ang sagupaan pasado alas-2 sa Brgy. Bacani, sabi ni Capt. Jojo Mascariñas, civil-military operations officer ng Army 302nd Brigade.
“Ito ‘yung mga hinahanap natin… Abu Sayyaf. Walang tigil po ang pursuit kaya may ganoong engkuwentro na nangyari,” sabi ni Mascariñas nang kapanayamin sa telepono.
Kinumpirma ng ground troops na isang kasapi ng Abu Sayyaf ang napatay, pero inaalam pa ang pagkakakilanlan nito, aniya.
Tinutugis pa ng mga tropa ng pamahalaan ang mga nakasagupa, ani Mascariñas.
Naganap ang sagupaan sa Clarin halos dalawang linggo matapos ang halos isang araw na pakikipagsagupa ng mga sundalo’t pulis sa Abu Sayyaf sa katabing bayan ng Inabanga noong Abril 11.
Napatay sa unang sagupaan si Abu Sayyaf sub-commander Muamar Askali alyas “Abu Rami,” tatlo niyang tagasunod, tatlong sundalo, isang pulis, at matandang mag-asawa.
Pitong iba pang bandido ang nakatakas matapos ang sagupaan sa Inabanga at mula noo’y naging target ng pagtugis at pinatungan pa ng pamahalaan ng tig-P1 milyon sa ulo.
MOST READ
LATEST STORIES