DININIG ng mga bossing ng ABS-CBN ang hiling ng milyung-milyong tagasuporta ng Teleserye King na si Coco Martin.
Extended na naman ang number one primetime series ng Kapamilya Network na FPJ’s Ang Probinsyano. At hindi lang isa o dalawa o tatlong buwan ang extension ng serye na pinagbibidahan ni Coco.
Inanunsyo ni ABS-CBN Chief Operating Officer of broadcast Cory Vidanes nitong weekend na tatagal pa ang FPJ’s Ang Probinsyano hanggang January, 2018.
Ang nasabing announcement ay ibinalita sa ginanap na thanksgiving party ng Dreamscape Entertainment at ng buong produksyon ng serye sa pangunguna nga ni Coco. Present din sa event si ABS-CBN president and CEO Carlo Katigbak.
Ang ilan pang members ng cast na dumating sa party ay sina Yassi Pressman, Susan Roces, Joel Torre, Arjo Atayde, Awra Briguela, Elisse Joson, Mccoy de Leon at marami pang iba.
Ang teleserye nina Coco ang sinasabing pinakamabenta at pinakatinutukang programa sa telebisyon sa nakaraang tatlong taon. Nagsimula ito noong 2015 at hanggang ngayon ay patuloy pa ring sinusuportahan ng madlang pipol all over the world.
Bukod sa laging number one sa ratings game, sandamakmak pa rin ang TV commercial ng serye bukod pa ‘yan sa napakaraming award na naiuwi ni Coco at ng iba pa niyang mga kasamahan sa produksyon.
Bukod siyempre kay Ms. Susan, siguradong pati ang yumaong Action King na si Fernando Poe, Jr. na unang nagbida sa movie version ng “Ang Probinsyano” (noong 1997) ay tuwang-tuwa at super proud sa tagumpay ng proyekto.