MERONG umiikot na kuwento sa isang malawak na bakuran tungkol sa halatadong pagbabago na ng attitude ng isang bata pang personalidad. May sombrero pa raw kayang magkasya sa kanyang ulo ngayon?
Dati raw kasi ay simple lang ang bagets, basta naghihintay lang sa kanyang trabaho, walang nagiging problema sa kanya ang produksiyon.
Pero habang nagtatagal na at marami nang iba pang trabahong natotoka sa kanya ay napapansin ng mga nandu’n na mukhang nagbabago na rin ang kanyang ugali.
Feeling daw ng bagets ay sobrang sikat na sikat na siya at talagang kailangan ng programang kasali siya, pakiramdam niya kuno ay siya ang inaabangan ng manonood sa kanilang serye, ganu’n na ang kanyang paniniwala.
Sabi ng isang source, “E, sino ba naman kasi ang dapat sisihin kung bakit nagkaganu’n ang bagets? Sila-sila rin naman kasi ang nagpalaki ng ulo niya, e!
Puri sila nang puri sa bata, palagi nilang sinasabihan na ang galing-galing niyang umarte at milyon na ang fans niya, kaya ano’ng naging resulta?
“Ayan, sila rin ang nakakahalata ngayon na nagkakaroon na siya ng attitude. Nakasimangot na siya palagi dahil ang katwiran ng kanyang kasama, e, puyat at pagod na pagod siya.
“Isalang ba naman nila ‘yung bata sa kung anu-anong raket, ano ang nangyari? Ayan, nakakaapekto na ‘yun sa ugali ng bata!” madiing sabi ng aming source.
Isa pa kunong nagpabago sa ugali ng bagets ay ang madalas na pagsasabi sa kanya ng mga miron na siya na ang papalit sa trono ng isang sikat na becking personalidad na malapit sa kanya. Ayan tuloy, paniwalang-paniwala na nga siya sa mga naririnig niyang komento ng papuri.
Naku naman, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, hindi naman siguro kayo nakatira sa probinsiya para hindi n’yo mamalayan ang mga nagaganap sa bagets na ito!