MIAMI — Nagpasiklab ng triple-double performance si LeBron James ng Miami Heat ngunit nasapawan pa rin siya ni Tony Parker at ng San Antonio Spurs na nagwagi, 92-88, sa Game One ng NBA Finals kahapon sa Miami.
Tinapos ni Parker ang laro na may 21 puntos kabilang ang desperation shot, 5.2 segundo na lang ang natitira sa laro.
Kinailangan pang rebyuhin ng mga reperi ang video replay bago idineklarang “counted” ang tirang iyon ni Parker sa harap mismo ng malagkit na depensa ni James. Ito ang nagbigay ng 92-88 kalamangan para sa Spurs.
“Tony’s shot is one of those things that happens sometimes,” sabi ni Manu Ginobili na umiskor ng 13 puntos para sa Spurs. “We got lucky today.”
Nagdagdag naman ng 20 puntos at 14 rebounds si Tim Duncan para sa San Antonio.
Ang “Big 3” ng Spurs na sina Parker, Duncan at Ginobili ay may pinagsamang 99 Playoffs win sa liga. Kahapon ay bahagya nilang nahigitan sa scoring (54-48) ang “Big 3” ng Heat.
Kumulekta ng 18 puntos, 18 rebounds at 10 assists si James. Si Dwyane Wade naman ay may 17 puntos at si Bosh ay may 13 para sa Miami.
Ito rin ang ikalawang sunod na Finals game kung saan gumawa ng triple-double si James. Sa Game Five ng Finals noong isang taon ay gumawa siya ng 26 puntos, 11 rebounds at 13 assists para tulungan ang Heat na biguin ang Oklahoma City Thunder sa serye, 4-1, at mabigyan ng pangalawa nitong kampeonato ang Heat.
Unang nagkampeon sa liga ang Miami noong 2006. Sa kasalukuyang miyembro ng Heat ngayon ay tanging sina Wade at Udonis Haslem lamang ang nakapaglaro rin sa 2006 at 2012 champion teams ng Miami.
Sa kabilang dako, puntirya ng Spurs na maisukbit ang ikalima nitong titulo sa liga. Huling nagkampeon ang San Antonio noong 2007 kung kailan winalis nito ang Clevelang Cavaliers, 4-0.
Sa taong iyon ay naglalaro pa sa Cavaliers si James na sinabing nais niyang makabawi sana kina Parker, Duncan at Ginobili sa kabiguang natamo ng koponan niya noon.
Pero hindi ito magiging madali.
Bagaman nalamangan ng Heat ang Spurs sa first half ay unti-unti namang nakabawi ang San Antonio sa third period sa pangunguna nina Duncan at Ginobili. Sa fourth period ay si Parker naman ang nag-takeover para sa Spurs.
“It doesn’t matter how we’re categorized — old, veterans, whatever you call us, we’re in the mix,” sabi ng 37-anyos na si Duncan, na unang hinatid ang Spurs sa kampeonato noon pang 1999.
Ang Game Two ay itinakda sa Lunes sa Miami.