Kidlat dumaan sa bintana; ginang patay

NASAWI ang 38-anyos na ginang nang tamaan umano ng kidlat sa loob ng kanyang bahay sa Jose Dalman, Zamboanga del Norte, iniulat ng pulisya kahapon.
Natagpuang patay si Elsa Dumolon, ng Brgy. Lumaping, sa loob ng kanyang bahay alas-2 ng hapon Martes, ayon kay Chief Insp. Ariel Huesca, tagapagsalita ng Zamboanga Peninsula regional police.
Nakaupo si Dumolon sa kama nang tamaan ng kidlat, na pumasok sa bukas na bintana, kaya agad namatay, ani Huesca, gamit bilang basehan ang imbestigasyon ng ng Jose Dalman Police at Regional Health Unit.
Lumabas din sa imbestigasyon na walang “foul play” na naganap, ayon pa kay Huesca.
Tumalon sa tulay
Nalunod ang isang lalaking may sakit diuamno sa pag-iisip matapos tumalon sa tulay sa Zamboanga City kamakalawa, ayon sa pulisya.
Narekober ng mga kawani ng City Health Office ang lalaki at dinala sa Zamboanga City Medical Center, ngunit di na ito umabot nang buhay, ayon kay Chief Insp. Ariel Huesca, tagapagsalita ng Zamboanga Peninsula regional police.
Tumalon ang di pa kilalang lalaki sa San Bernardino Bridge ng Brgy. Tetuan alas-11, ayon kay Huesca.

Read more...