Salamat tinanghal na Queen of the Mountain sa Tour of Thailand

TINANGHAL na Queen of the Mountain si Marella Salamat matapos ang kanyang kampanya sa katatapos lamang na Princess Maha Chakri Sirindhorn’s Cup Tour of Thailand 2017.

Matapos ang Stage 3 ay iginawad kay Salamat ang titulo bilang Queen of the Mountain habang karagdagan din sa kanya ang 3rd Overall Best Climber, 3rd Overall Best Asean Rider at Stage 3 Best Asean Rider habang nasa 6th Place ito sa Overall General Classification.

Kasama ni Salamat sa Philippine women’s team sina Avegail Rombaon, Irish Yang Wong, Edwin Niyo, Jay-Ann Cristeinne Waje-Hidalgo at national women’s team coach Arturo Lobramonte.

Una nang isa ang hindi nakatapos habang tatlong Pilipinang riders ang nakasama sa malaking pulutong ng babaeng siklista na magkakasabay na tumawid para sa sprint sa finish line ng karera.

Pinamunuan ni Salamat ang dalawa pa nitong kakampi sa Philippine women’s cycling team sa unang yugto ng karera na nagsisilbing paghahanda ng koponan para sa nalalapit nitong paglahok sa 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Agosto 19 hanggang 31.

Ang 2015 SEAG ITT champion na si Salamat ay tumapos sa ika-11 sa katulad na itinalang kabuuang tiyempo na 2 oras, 41 minuto at 41 segundo sa likuran ng tinanghal na stage winner at 2015 SEA Games road gold medalist na si Nguyen Thi That ng Vietnam.

Napuwersa si Salamat at ang buong women’s squad na magkonsentra sa road races matapos na alisin ang event na Individual Time Trial sa Malaysia SEA Games.

Ang kabuuan ng kasaling 60 babaeng siklista ay tumapos na isang buo matapos tahakin ang 103 kilometro na Stage 1 na nagsimula sa Chiangmai at nagtapos sa Chomthong.

Tumapos naman si Rombaon sa ika-28, si Wong ay nasa ika-36 habang si Hidalgo ay hindi nakatapos sa karera.

Inokupahan ng Pilipinas ang ika-10 puwesto mula sa kabuuang kasaling 14 koponan. Nangunguna ang karibal nitong Thailand kasunod ang Taiwan, Hong Kong, Kazakhstan, Japan, Vietnam, Malaysia at dalawang Thailand club teams. Ang iba pang kasali ay ang Hi-Tech Norway, Uzbekistan at Singapore.

Ang karera ay may kabuuang 66 kilometro na akyatin mula sa Chiangmai tungo sa Doi Saket.

Read more...