LA Tenorio napiling PBA Player of the Week

NAGAWANG magwagi ng Barangay Ginebra sa huling dalawang laro nito sa nakalipas na linggo at bahagi nito ay dahil sa pagdadala ng kanilang pangunahing playmaker na si LA Tenorio na nakakatuwang ng do-it-all import na si Justin Brownlee sa kaagahan ng kanilang kampanya sa 2017 PBA Commissioner’s Cup.

Bagamat totoong si Brownlee ang namuno sa magkasunod na panalo ng Barangay Ginebra kontra Globalport Batang Pier at Star Hotshots, hindi maikakaila na bumida rin si Tenorio sa pagkakaloob ng kinakailangang opensa at matibay na liderato para sa paboritong koponan ng madla.

Kaya hindi katakataka na ang 32-anyos na si Tenorio ang mapiling Accel-PBA Press Corps Player of the Week kung saan tinalo niya ang iba pang kandidato na kinabibilangan ng kakamping si Sol Mercado, Jayson Castro, Troy Rosario at Ranidel de Ocampo ng TNT Katropa, San Miguel Beermen center June Mar Fajardo, Meralco Bolts guard Baser Amer at Blackwater Elite combo guard Mike DiGregorio.

Laban sa Globalport, gumawa si Tenorio ng 15 points, 6 rebounds, 4 assists at 2 steals para tulungan ang Ginebra na makabangon buhat sa 19-puntos na kalamangan para itala ang 113-96 pagwawagi noong Miyerkules.

Ang dating Ateneo standout ay kumamada ng personal conference-best 21 puntos, kabilang ang walong puntos sa huling yugto, para tulungan ang Ginebra na muling dominahin ang Star, 113-98, sa ika-42 anibersaryo ng PBA noong Linggo sa Mall of Asia Arena.

Si Tenorio ay may average na career-best 16.33 puntos, 3.67 rebounds at 3.33 assists sa unang tatlong laro ng Gin Kings ngayong kumperensiya.

Read more...