Meralco Bolts pinataob ang Alaska Aces
Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
4:30 p.m. Mahindra vs TNT Katropa
6:45 p.m. Barangay Ginebra vs Star
NAGAWANG mapigilan ng Meralco Bolts ang matinding paghahabol ng Alaska Aces sa huling yugto para itakas ang 99-91 pagwawagi sa kanilang 2017 PBA Commissioner’s Cup elimination round game Sabado sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Gumawa si Baser Amer ng 19 puntos, 9 rebounds, 5 assists at 2 steals para sa Bolts, na nasungkit ang ikalimang panalo sa anim na laro.
Nagtala rin si Alex Stepheson ng matinding numero sa ginawang 17 puntos at 26 rebounds para sa Meralco, na ang 25 puntos na kalamangan sa ikaapat na yugto ay natapyas sa siyam na puntos, 95-86, may 1:19 ang nalalabi sa laro.
“I thought we did a pretty good job for about 44 mins. Last four minutes we got a little bit sloppy and to be honest we got a little bit tired,” sabi ni Meralco head coach Norman Black.
“Key to winning was to break the pressure of Alaska and for the most part, we were able to do a good job.”
Pinamunuan ni Cory Jefferson ang Aces sa kinamadang 32 puntos at 13 rebounds subalit sina Simon Enciso at Tony dela Cruz ang nagpasimuno ng pagbangon ng Alaska sa huling yugto.
Umiskor sina Enciso at dela Cruz ng tig-walong puntos sa huling limang minuto para pangunahan ang matinding ratsada ng Aces na nagpaigting ng labanan sa dulo ng laro.
Matapos na matapyas ang kalamangan ng Meralco sa 10, bumida na si Amer sa laro kung saan bumitaw ito ng krusyal na pull-up jumper para iangat ang kanilang kalamangan sa 95-83 may 1:21 ang natitira sa laro.
Agad naman naghulog si Jefferson ng 3-pointer para bumaba ang kalamangan sa single digit bago sumagot si Bolts skipper Jared Dillinger ng dalawang free throw may isang minuto sa laro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.