Bacho, huling PH boxer na nananatili sa King’s Cup

TANGING ang welterweight na si Joel Bacho na lamang ang nanatiling may tsansa sa medalya sa anim na Pilipinong sumabak sa Thailand International Boxing Tournament sa Thanyaburi, Thailand.
Ang limang ibang Pinoy ay bigong nakapasok sa semifinal round.

Si Bacho, na gumawa ng matinding panalo Martes sa pagpapatalsik kay Cuban Arisnoidys Despaigne, ang tanging nagbigay pag-asa sa koponan matapos nitong talunin si Huang Zhao Ching ng Taipei, 5-0.

Unang nagpaalam ang 18-anyos na tubong Cagayan de Oro na si Carlo Paalam, bronze medalist sa 2016 World Youth Championships sa St. Petersburg, Russia, matapos talunin ni Rio Olympics gold medalist at 2016 AIBA Boxer of the Year Dusmatov Hasanboy ng Uzbekistan sa 5-0 decision sa light flyweight division.

Sumunod ang 2015 SEA Games gold medalist flyweight na si Ian Clark Bautista at bantamweight Mario Fernandez na nabigo sa mga kalaban mula sa host Thailand. Nakalasap si Bautista ng 0-5 pagkatalo habang si Fernandez ay nabigo sa iskor na 1-4.

Si James Palicte, na nagtala ng 2nd round TKO kontra Aussie Patrick McLaughlin sa lightweight division, ay nabigo naman kay Rio Olympic bronze medalist, Akhmadaliev Murodjon sa pamamagitan ng unanimous decision.

Bigo naman si Eumir Felix Marcial na makakapagtala ng ikalawang upset win laban kay Osley Iglesias Estrada ng Cuba matapos makatikim ng 3-2 split decision na pagkatalo.

Hindi naman nababahala si ABAP president Ricky Vargas kung saan sa ipinadala nitong text message sa delegation head at ABAP secretary-general na si Ed Picson na “obviously we would have wanted our win streak to continue, that’s a tough tournament the boys are in. I welcome the opportunity to test our skills against some of the best boxers in the world. This can only be good for them. Go Bacho!”.

Ang 24-anyos mula Mandaluyong City na si Bacho ay makakasagupa naman ang 2016 World Youth gold medalist Akhmedov Sadriddin sa semifinal round Huwebes.

“I know he’s good but I gained a lot of confidence with that win over the Cuban. Hopefully, it will carry me to the Finals and a possible gold here,” sabi ni Bacho, na tutulungan ng mga coaches na sina Pat Gaspi, Romeo Brin at Elias Recaido, Jr.

Read more...