PUMUTOK si Javee Mocon sa huling yugto ng laro para tulungan ang Cignal-San Beda Hawkeyes na magkampeon sa 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup sa itinalang 81-78 panalo sa Game 3 ng kanilang best-of-three championship series kontra Racal Tile Masters Huwebes sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Ang incoming fourth-year San Beda forward na si Mocon ang bumida sa huling bahagi ng laro kung saan inihulog nito ang 11 sa huling 13 puntos ng Hawkeyes para pangunahan ang kanyang koponan sa itinalang 25 puntos, pitong rebounds at dalawang assists sa kanilang do-or-die game.
“He picked up where he left off and he did a good job. He’s been very positive for us and today, he stepped up big for us,” sabi ni Cignal-San Beda coach Boyet Fernandez, na napanalunan ang ikapitong PBA D-League title sa walong Finals appearance sa liga.
Nag-ambag si Jason Perkins ng 21 puntos, limang rebounds at tatlong blocks habang si conference MVP Robert Bolick ay nagdagdag ng 14 puntos, anim na assists at apat na rebounds para sa Cignal-San Beda.