NOONG nakaraang linggo ay napag-usapan natin ang isa sa malaking dahilan kung bakit sobrang sikip ng trapiko sa Kalakhang Maynila. Nakita natin na dahil Metro Manila lang ang tanging lagusan na maaaring daanan sa pagitan ng Ti-mog at Kanlurang Luzon, ito ay mistulang baradong tubo na hindi na magkandaugaga sa dami ng sasakyan na bumabagtas sa mga lansangan nito.
Sa ginawa nating pagsaliksik ay dalawang solusyon ang nakikita natin para makatulong na mabawasan ang mahigit 18 milyong sasakyan na dumadaan sa Metro Manila araw-araw.
Una rito ay ang panukala ni dating SBMA Chairman at Bataan Go-vernor Tong Payumo na magtayo ng tulay na nagkakabit ng Bataan at Cavite at idaan ito sa Manila Bay.
Ayon kay Payumo, maaari naman gumawa ng mahaba at malaking tulay na dadaan ng Corregidor at iba pang isla na pwede ring sabayan ng riles ng tren.
Sa ganitong paraan, ang mga kargamento na dinadala mula Northern at Central Luzon patungong Southern Luzon ay iiwas na sa Metro Maynila.
Maaari na ring isara ang mga pantalan sa Manila Bay at ilipat ito sa Bataan, Cavite at Batangas upang ma-decongest ang Metro Manila at malinis na rin ang Manila Bay.
Hindi na rin problema ang right of way dahil sa ibabaw ng dagat idadaan ang kalye at riles ng tren gamit ang mga tulay.
Ang ikalawang panukala naman ay mula sa mga residenteng Rizal na matagal ng nagtataka kung bakit hindi binibigyang pansin ang Manila East Road o ang highway na bumabagtas sa kabilang ibayo ng Laguna de Bay.
Maaari kasing tagusin ng mga galing Pampanga at Tarlac ang Bulacan patungong Rodriguez at Montalban, Rizal na la-labas sa Pagsanjan, Laguna o Infanta, Quezon at hindi na kailangan pang pumasok sa loob ng Metro Manila.
Nailatag na ang mga rutang ito at may maliliit na kalsadana doon na kailangan lamang lakihan at ayusin para sa mga malalaking sasakyan. Ito na rin ang maaaring gamitin ng mga motoristang tatawid mula northern at southern Luzon nang walang dadaan sa EDSA, C-5 o Roxas Boulevard.
Logical at long term ang mga panukalang ito bagamat medyo mahal at matagal gawin. Pero nakikita rito sa planoang karagdagang resulta ng decongestion ng Metro Manila dahil magkakaroon ng mga negosyo at lilipat ang mga tao sa paligid ng bagong mga highway at mababawasan ang mga sasakyan at taong dumadaan sa loob ng Metro Manila.
Kung mayroong komento o suhestiyon, sumulat lamang [email protected] o sa [email protected].
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.