SAAN mang panig ng mundo, hindi na bago ang mga kaso ng pagnanakaw.
Kaya lang mukha yatang wala na ring pinipiling nakawin ang ating mga kabayan.
Sa Hong Kong nahuling nagnakaw ang isang Pinay ng tatlong bote ng lotion at tatlong canned goods.
Napag-alamang wala nang legal na dokumento ang naturang Pinay at nananatili na lamang doon bilang illegal alien.
Gayong hindi rin nilinaw sa naturang report kung matagal na nga bang ilegal doon ang Pinay. O puwede rin ‘anyang na-terminate ito ng amo at lumagpas na sa ilang araw na palugit para sa kaniyang pananatili doon.
Kapag na-terminate kasi ang OFW, binibigyan pa siya ng Hong Kong government ng 14 araw para makahanap ng bagong amo.
Kapag may gustong tumanggap sa kaniya muli, saka lamang siya uuwi ng Pilipinas upang dito mag-proseso ng kaniyang mga dokumento.
O maaaring may sakit din ang Pinay ng pang-uumit na mas kilala sa tawag na “kleptomania” o impulse control disorder.
Nakita sa CCTV ang Pinay na palinga-linga sa pag-aakalang walang nakakakita sa kaniya.
Unti-unti na nitong pinasok sa bag ang kaniyang mga nakuha.
Pinagmamasdan din siya ng tindera ng naturang supermarket kung kaya’t nang nakalabas na ito ng tindahan agad niyang pinagbigay alam sa kaniyang supervisor at mabilis namang nahuli ang Pinay.
Mabilis na dinala sa korte ng HK ang kaso. Nasintensiyahan siyang makulong ng anim na linggo.
Nangangahulugan na pagbabayaran niya sa bilangguan ng isang linggong pagkakakulong ang bawat produktong ninakaw niya. Anim na produkto iyon kaya anim na linggo rin.
Ngunit sa naturang paglilitis, umamin namang “guilty” siya ng pagnanakaw kung kaya’t naibaba pa ang sentensiya niya ng apat na linggo na lamang sa halip na anim na linggo.
Ano man ang dahilan ng ating kabayan, pagnanakaw pa rin ang tawag doon at tiyak na may pananagutan siya sa batas.
Hindi ito katulad ng isang kaso ng OFW natin na nakalimutan talagang magbayad habang nag-go-grocery siya nang nakatanggap ng masamang balita mula sa isang tawag sa telepono sa Pilipinas.
Na-shocked ito sa nabalitaan at wala sa sariling lumabas na lamang ito ng tindahan. Nakita iyon sa CCTV. Ngunit hinabol siya at kinasuhan pa rin ng pagnanakaw.
Mabait ang amo ng Pinay at siya na mismo ang nagpatunay sa korte na mabait ‘anya ang OFW at matagal na itong nagtatrabaho sa kaniya.
Kilala niya ito bilang isang matapat na manggagawa at walang record sa kaniya ng pagnanakaw.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (mula Lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggag alas-12 ng tanghali) audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com