PAGKATAPOS ng kontrobersyal at pinag-uusapang afternoon series ng ABS-CBN na The Greatest Love, balak ng lead star ng programa na si Sylvia Sanchez na umuwi sa tahanan nila sa Mindanao.
Three weeks na lang sa ere ang nangungunang serye sa hapon na The Greatest Love na talagang tumatak sa mga manonood, lalo na ang kuwento ni Mama Gloria (Sylvia) na may Alzheimers disease.
Sa ginanap na thanksgiving presscon ng serye kamakailan, naging emosyonal ang halos lahat ng cast members, lalo na si Sylvia na hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala na nabigyan siya ng chance na makagawa ng isang makabuluhang palabas para sa bawat pamilyang Pilipino.
Dahil nga sa sobrang nakakapagod at nakaka-stress ang role ni Ibyang sa nasabing serye, natanong siya kung ano ang plano niyang gawin pagkatapos ng The Greatest Love.
“Plano ko pong umuwi sa Mindanao para makasama ang nanay ko. Yayakapin ko siya at gusto ko siyang makasama,” ang pahayag ng award-winning actress.
Isang guro ang nanay ni Sylvia na mas ginustong manatili sa probinsya kesa manirahan dito sa Maynila. Mas type raw nito ang simpleng buhay sa kanilang lugar sa Mindanao.
“Hilig niya doon na magtanim tapos mas nare-relax siya doon dahil nasa tabing dagat kami nakatira doon,” chika pa ng aktres.
Nagpapasalamat din si Ibyang na pagkatapos ng mga pinagdaanan niyang challenges sa buhay, ay patuloy pa ring maganda ang takbo ng buhay niya kasama ang kanyang pamilya, lalo na ang pagtanggap ng madlang pipol sa kanyang dalawang anak na nag-aartista na rin ngayon – sina Arjo at Ria Atayde.
Samantala, hinangaan at kinapulutan ng aral ng mga manonood ang kuwento ng buhay ni Mama Gloria sa The Greatest Love na nagpakita ng wagas na pagmamahal para sa mga anak at pagsasakripisyo upang mapanitiling buo ang kanyang pamilya.
Naging simbolo ang kanyang karakter ng katatagan at pinatunayang hindi mapapantayan ng kahit ano man ang pagmamahal ng isang ina, na lubos ding na nagpahanga sa mga manonood.
Naging daan din ang serye upang mamulat ang mga manonood sa sakit na Alzheimer’s disease at ang epekto nito sa pamilya. Ngunit pinatunayan naman ni Gloria at ng mga anak na sina Amanda (Dimples Romana), Andrei (Matt Evans), Paeng (Aaron Villaflor), Lizelle (Andi Eigenmann), at ng apong si Z (Joshua Garcia) na kaya lamapasan ang ganitong mga pagsubok, basta manatili ang pagmamahal at pag-asa sa puso ng bawat isa.
Sabi ni Ibyang, “Hindi ko malilimutan ang pinaramdam sa aking pagmamahal at respeto bilang tao at artista ng mga manonood.”
“Malungkot ako dahil maghihiwa-hiwalay na kami. Pero masaya rin ako kasi matatapos ang teleserye nang maganda at gusto ng lahat,” dagdag pa niya.
Dahil nga sa nakaaantig na kwento ng serye, mas naging matibay pa ang pagmamahal ni Sylvia sa kanyang pamilya at nabago ang paniniwala sa pag-ibig.
“Mas lalong pinagtibay ang paniniwala ko na ang pamilya ang pinakaimportante sa mundong ito. Wala rin sino mang makakaharang sa taong tunay na nagmamahalan,” aniya pa.
Tinututukan tuwing hapon ng mga manonood ang mga madadamdaming eksena ng The Greatest Love, kaya naman patuloy itong nangunguna sa national TV ratings.
Nagkamit na nga ang serye ng all-time high national TV rating na 20.4%. Araw-araw rin itong trending topic sa social media at umaani ng libo-libong tweets mula sa netizens.
At sa nalalapit nitong pagtatapos sa Abril 21 (Biyernes), mas marami pang dapat abangan dahil marami pang rebelasyon ang gugulat at magpapaiyak sa mga manonood na dapat tutukan ng lahat.
Huwag palampasin ang pagtatapos ng The Greatest Love na napapanood pa rin tuwing hapon pagkatapos ng The Better Half sa ABS-CBN.