CITY of Ilagan, Isabela – Ipinakilala ng Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa) ang isasagawa na pinakabagong event sa sports habang nagtala ng upset ang ilang papaangat na miyembro ng national pool dito sa 2017 Ayala Philippine National Open Invitational Athletics Championships s sa City of Ilagan Sports Complex.
Ito ang ipinaalam ni Patafa president Philip Ella Juico matapos na isali ang mixed gender 4×100 at 4x400m event sa apat na araw na multi-sports na kompetisyon na nagsisilbing kuwalipikasyon ng mga pambansang atleta para makasama sa delegasyon ng Pilipinas na sasabak sa 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.
“We’ll have a mixed gender 4×100, 4×200 demonstration/exhibition run during the National Open,” sabi ni Juico. “The idea is, among others, to promote mixed gender teamwork in the light of non-face-to-face contact among our youth because of Facebook, etc.”
“In addition, it promotes inclusivity and obviously, gender equity. It’s a first ever in National Open history and I hope our media friends will write about it and even show photo of boy-girl baton passing,” sabi pa ni Juico. “I am sure sponsors will want to be associated with this.”
Base sa format ng isasagawa na dalawang bagong event ay tatakbo ang lalaki bilang una at ikatlong runner habang ang mga kababaihan ay nasa ikalawa at ikaapat na puwesto.
Samantala, nagpamalas ng matinding paglalaro ang papaangat na si Michael Del Prado ng De La Salle University gayundin sina national pool Evalyn Palabrica sa women’s javelin throw, Ryan Bigyan sa men’s 400m run at si Mervin Guarte sa men’s 1,500m run.
Tinalo ni Del Prado para makasungkit ng medalyang pilak ang mga miyembro ng 2015 Singapore SEA Games 4×400 silver medal team na sina Edgardo Alejan ng Air Force at Archand Christian Bagsit habang unang panalo ito ni Bigyan sa 400m run kontra kina Alejan at Bagsit.
Binigo naman ni Guarte ang dalawang kasaling dayuhan upang isukbit ang gintong medalya sa men’s 1,500m run sa oras na 3:54.53 minuto. Ikalawa si Ahmad Luth Hamizan ng Malaysia (3:56.59) habang ikatlo si Jomond Papau ng Sabah (4:05.62).
Itinala rin ni Palabrica ang layong 46.29 metro sa women’s javelin throw upang talunin ang maraming beses naging national champion at SEA Games medalist na si Rosie Villarito ng Army na may naihagis lamang na 45.85 metro.
Nakisalo naman sina Aileen Tolentino ng Army sa mga nakapagwagi ng dalawang ginto matapos iuwi ang gintong medalya sa women’s 3,000 steeplechase (12:41.24) at 1,500 run (5:10.86) at Daniella Daynata ng DLSU na nagwagi sa girls shotput (11.04) at discus throw (34.64).
Nakasiguro rin ng silya si Janry Ubas, na nagwagi ng tanso sa decathlon noong 2015 Singapore SEAG, matapos na itala ang lundag na 7.52 metro upang mapantayan ang distansiya na itinala ng kasalukuyang SEAG silver medalist na si Pham Van Lam ng Vietnam.
Napanatili naman ni SEAG record holder Marestella Torres-Sunang ang kanyang korona sa women’s long jump sa pag-uwi sa gintong medalya kontra Katherine Khaye Santos. Tumalon si Sunang ang 6.14 metro upang tabunan ang 6.01m ni Santos at ang 4.52m ni Clarice Ancheta ng Isabela State University.
Una naman nagwagi ng dalawang ginto si Christabel Martes ng Baguio sa 5,000m at 10,000m run at Anfernee Lopena na tinanghal bilang fastest man sa 100m dash at sa 4x100m team relay na nagtala ng bagong record.