Mga Laro sa Miyerkules
(Filoil Flying V Centre)
8 a.m. UE vs DLSU (men)
10 a.m. UP vs Adamson (men)
2 p.m. Adamson vs UE (women)
4 p.m. FEU vs UP (women)
BAHAGYANG pinagpawisan lamang ang Ateneo de Manila University Lady Eagles bago tuluyang binigo ang University of the East Lady Warriors sa loob ng tatlong set, 25-18, 25-12, 25-10, upang makisalo sa liderato ng UAAP Season 79 women’s volleyball tournament Linggo sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Pinamunuan ni Katrina Mae Tolentino ang Lady Eagles sa tinipon na 12 puntos tampok ang 11 spikes habang si Julia Melissa Morado ay may siyam upang saluhan ang karibal na nagtatanggol na kampeong De La Salle University Lady Spikers sa kabuuang 11-2 panalo-talong kartada.
Magsasagupa ang matinding magkaribal na Lady Eagles at Lady Spikers para sa unang puwesto sa huling araw ng eliminasyon sa darating na Sabado, Abril 8.
Nalasap naman ng Lady Warriors ang ikaanim nitong sunod na kabiguan para mahulog sa kabuuang 1-12 kartada.
Sinuguro naman ng University of Santo Tomas Tigresses ang isang playoff sakaling magkaroon ng pagtatabla sa huling dalawang silya sa semifinals matapos nitong biguin ang University of the Philippines Lady Maroons, 25-20, 25-21, 25-16.
Nagtulung-tulong sina Ennajie Laure, Cherry Rondina at Marivic Menenes para sa Tigresses para iangat ang karta nito sa kabuuang 8-5 panalo-talo at ituntong ang isang paa nito sa krusyal na Final Four sa pag-okupa sa posible na ikatlong puwesto.
Nahulog naman ang UP Lady Maroons sa 7-6 panalo-talong kartada kasalo para sa ikaapat hanggang ikaanim na puwesto ang National University Lady Bulldogs at Far Eastern University Lady Tamaraws.
Samantala, hinadlangan ng Adamson University Falcons na agad makapasok sa semifinals ang UST Tigers matapos itala ang upset win, 25-23, 25-19, 25-17, sa men’s division.
Bagaman tanggal na sa labanan sa silya sa semifinals ay ipinagpatuloy ng Falcons ang pagtatala ng upset sa ikalawa nitong sunod na panalo kontra sa mga koponan na naghahangad makausad sa Final Four.
Nakisalo ang Adamson sa walang laro na La Salle sa 4-9 panalo-talong record para sa ikaanim at ikapitong silya.
Hindi lamang pinigilan ng Falcons ang pag-akyat ng Tigers para sa huling silya sa semis kundi binigyan nito ng tsansa ang UP Fighting Maroons, na may 5-8 karta, na makapasok sa Final Four.
Nahulog ang Tigers, na may 6-7 karta, sa matira-matibay na sitwasyon kontra sa pasok na sa semis na Far Eastern University upang agad na tumuntong sa semifinals.
Sinandigan naman ng NU si Fauzi Ismail na naghulog ng 20 puntos upang pamunuan ang Bulldogs sa ika-11 nitong sunod na panalo sa pagtala ng 25-15, 25-15, 25-18 panalo kontra UE Red Warriors.
Ang panalo ay nagsilbing warmup para sa Bulldogs sa muling pakikipagharap nito sa hindi pa nakakatikin ng kabiguan at nagtatanggol na kampeong Ateneo.
— Angelito Oredo