Mga Laro sa Miyerkules
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Star vs Mahindra
7 p.m. Barangay Ginebra vs GlobalPort
NAGHULOG si Cory Jefferson ng go-ahead 3-pointer may 30.1 segundo ang nalalabi sa laro para tulungan ang Alaska Aces na talunin ang Rain or Shine, 105-102, at manatiling walang talo sa 2017 PBA Commissioner’s Cup Linggo sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Gumawa si Jefferson ng 41 puntos, 13 rebounds at tatlong assists para pangunahan ang Aces sa kanilang ikaapat na panalo at manatili sa itaas ng team standings.
Si JVee Casio ay nagdagdag ng 16 puntos, kabilang ang krusyal na apat na free throws, walong assists at dalawang rebounds.
“Cory hit some big shots. That’s what you’d like to see your import do. And any point guard in the world is expected to make those free throws and that’s what JVee did for us,” sabi ni Alaska head coach Alex Compton.
Si Sonny Thoss ay nag-ambag ng 15 puntos, limang rebounds at dalawang assists para sa Alaska na binawian ang Rain or Shine sa rematch ng kanilang Finals matchup sa parehong kumperensiya noong isang taon.
May tsansa sana ang Elasto Painters na makaiskor matapos ang tira ni Jefferson subalit nawala kay Mike Tolomia, na pinangunahan ang pagbangon ng kanyang koponan mula sa 14 puntos na paghahabol, ang bola sa kanyang baseline drive may 23.1 segundo ang natitira sa laro.
Nagawang ilapit ni Shawn Taggart ang Rain or Shine matapos maghulog ng isang 3-pointer 8.6 segundo ang nalalabi para tapyasin ang iskor sa 103-101 bago naghulog si Casio ng dalawang free throws para tuluyang selyuhan ang panalo ng Alaska.
Pinangunahan ni Taggart ang Rain or Shine sa itinalang 40 puntos at 14 rebounds habang si Jericho Cruz ay nagdagdag ng 11 puntos, tatlong rebounds at tatlong assists.
Ginawa naman ni Tolomia ang lahat ng kanyang siyam na puntos sa ikaapat na yugto para sa Elasto Painters.