DLSU Lady Spikers naagaw ang liderato sa UAAP women’s volleyball
Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
8 a.m. NU vs UE (men)
10:00 am UST vs AdU (men)
2:00 pm UE vs ADMU (women)
4:00 pm UP vs UST (women)
INAGAW ng nagtatanggol na kampeon De La Salle University Lady Spikers ang solong liderato Sabado matapos nitong muling biguin ang Adamson University Lady Falcons sa loob ng tatlong set, 25-13, 25-14, 25-16, sa tampok na laro sa UAAP Season 79 women’s volleyball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Bagaman sigurado na sa silya sa Final Four na bitbit ang dalawang beses tatalunin na insentibo ay hindi nagpakita ng kahinaan ang La Salle upang manatiling malinis ang kartada sa ikalawang round ng labanan sa pagsungkit sa ikaanim nitong sunod na panalo para sa kabuuang 11-2 panalo-talong karta.
Huling makakasagupa ng Lady Spikers ang karibal at huling nagpalasap dito ng kabiguan na Ateneo de Manila University Lady Eagles sa Abril 8 sa salpukan na magdedetermina kung sino ang ookupa sa una at ikalawang puwesto.
Pinamunuan ni Ma. Joy Baron ang Lady Spikers sa tinipon na 13 puntos tampok ang anim na spikes, apat na block at 3 service ace habang nag-ambag sina Desiree Cheng at Ernestine Tiamzon ng walo at pitong puntos.
Nalasap ng Lady Falcons ang ika-13 nitong kabiguan sa ilalim ng bagong coach na si Airess Padda at kabuuang 19 na diretso sapul pa noong nakaraang season.
Pinanatili ng Far Eastern University na buhay ang tsansa sa Final Four matapos nitong takasan ang posibleng eliminasyon sa 25-21 25-21 25-22 pagwawagi kontra National University.
Pinamunuan ni Bernadeth Pons ang Lady Tamaraws sa pagtala ng 16 puntos kabilang ang dalawang service aces, 16 excellent receptions upang manatili sa labanan sa natitirang silya sa Final Four sa pagtabla nito sa Lady Bulldogs sa ikalimang puwesto na kapwa may pitong panalo sa 13 laro.
Napigil ng FEU ang dalawang sunod na kabiguan at naghahabol lamang sa University of the Philippines at University of Santo Tomas na tabla sa ikatlo at ikaapat na puwesto sa 7-5 karta.
Magsasagupa ngayon ang Lady Maroons at Tigresses sa ganap na alas-4 ng hapon.
Samantala, isang panalo na lamang ang kailangan ng nagtatanggol na kampeong Ateneo Blue Eagles upang muling makabalik na bitbit ang awtomatikong silya sa kampeonato sa men’s division.
Ito ay matapos biguin ng Blue Eagles ang karibal na DLSU Green Spikers, 25-22, 25-20, 25-21,
upang mas lalo pa na lumapit sa awtomatikong silya sa best-of-three championship sa pagsungkit sa ika-13 sunod na panalo Sabado ng umaga sa Mall of Asia Arena.
Muling pinamunuan ni 3-time Most Valuable Player Marck Espejo ang Blue Eagles sa pagtala ng 15 puntos upang itulak ang koponan sa malinis na 13-0 panalo-talong karta at kabuuang ika-27 diretso sapul noong nakaraang taon.
Ang panalo ng Blue Eagles ay tuluyan na nagpatalsik sa karibal nito na Green Spikers sa Final Four.
Huling sasagupain ng Ateneo sa pagtatapos ng eliminasyon sa Abril 8 ang nakatapat sa kampeonato nakaraang taon at nasa ikalawang puwesto na NU na bitbit ang 11-1 record sa salpukan na magdedetermina kung agad na didiretso ang Blue Eagles sa kampeonato.
Sakaling dumiretso ang Ateneo sa kampeonato ay magkakaroon ng stepladder semis kung saan magsasagupa ang ikaapat at ikatlong koponan bago sagupain ng magwawaging koponan ang nasa ikalawang puwesto.
Samantala, tuluyang inokupahan ng FEU Tamaraws ang ikatlong silya sa Final Four matapos na itulak ang UP sa posibleng pagkakapatalsik sa itinala na 25-18, 25-15, 25-16 panalo.
Makakasama ng Tamaraws ang nauna na sa semifinals na naghahangad sa ikatlong sunod nitong titulo na Ateneo at ang umaasam na makaagaw sa korona na NU sa pagsungkit sa ikapito nitong panalo sa loob ng 13 laro para sa solong ikatlong puwesto.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.