Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
8 a.m. UP vs FEU (men)
10 a.m. DLSU vs ADMU (men)
2 p.m. AdU vs DLSU (women)
4 p.m. FEU vs NU (women)
Team Standings: Women: *ADMU (10-2); *DLSU (10-2); UP (7-5); UST (7-5); NU (7-5); FEU (6-6); UE (1-11); AdU (0-12)
Men : *ADMU (12-0); *NU (11-1); FEU (6-6); UST (6-6); UP (5-7);
DLSU (4-8); AdU (3- 9); UE (1-11)
* – semifinalist
KUMPLETUHIN ang kani-kanilang misyon ang kapwa hangad ng Ateneo de Manila University Blue Eagles sa pagnanais sa ika-13 diretsong panalo sa men’s division habang solong liderato naman ang habol ng De La Salle University Lady Spikers sa women’s division sa mga krusyal na salpukan ngayon sa UAAP Season 79 volleyball tournament sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Maghaharap muna ang kapwa nag-aagawan sa huling dalawang silya sa men’s semifinals na University of the Philippines Maroons at Far Eastern University Tamaraws sa ganap na alas-8 ng umaga bago sundan ng salpukan ng magkaribal na DLSU Green Spikers na pilit dudungisan ang nananatiling malinis na karta ng nagtatanggol na kampeong Ateneo Blue Eagles sa alas-10 ng umaga.
Susundan agad ito ng sagupaan ng DLSU Lady Spikers sa ganap na alas-2 ng hapon kontra sa patuloy na naghahangad makapagtala ng upset win na Adamson University Lady Falcons bago ang matira-matibay na salpukan ng National University Lady Bulldogs at FEU Lady Tamaraws na kapwa nag-aagawan para sa huling dalawang silya sa Final Four.
Tangka ng Lady Spikers na maagaw at masolo ang liderato matapos ipareha sa 10-2 panalo-talo ang kartada nito sa karibal na Ateneo Lady Eagles sa pagsagupa nito sa maagang napatalsik na Lady Falcons na tanging dalawang set pa lamang ang naitatala na panalo sa kabuuan nitong 0-12 na kartada.
Huling tinalo ng defending champion na La Salle para masiguro ang twice-to-beat advantage sa Final Four ang host na University of Santo Tomas Tigresses sa loob ng tatlong set, 25-23, 25-22, 25-21, at dagdagan sa limang sunod ang pagwawagi nito patungo sa krusyal na natitirang dalawang laro.
Makakasamang muli ng La Salle ang beteranong open hitter na si Kim Kianna Dy na nagtamo ng mild sprain sa ikatlong set ng laro kontra UST bagaman inaasahang hindi ito masyadong magagamit ni coach Ramil de Jesus.
“Mahirap magkumpiyansa lalo na sa team na nais manalo,” sabi ni De Jesus. “Dapat kami mas maging aggressive lalo na sa floor defense.”
Importante rin ang panalo sa Lady Bulldogs para hindi mahulog sa labanan para sa huling dalawang silya sa semis matapos na makisalo sa tatlong koponan na may 7-5 panalo-talong kartada kasama ang UST at UP.
Gayunman, puwersado rin manalo ang Lady Tamaraws na bitbit ang 6-6 panalo-talong karta sa huli nitong dalawang laro upang pahigpitan ang labanan sa mga silya sa semis sa pagpuwersa ng posibleng playoff.