Squatter dapat bang bigyan ng lupa?

NGAYONG mainit na isyu ang kakulangan ng pabahay sa bansa dahil sa ginawa ng grupong Kadamay, baka sakaling mabigyan na ng pansin o maging prayoridad na ang mga panukalang batas kaugnay nito sa Kamara.

Ayon sa datos ng Kadamay, mayroong 1.5 milyong informal settler families sa buong bansa.

Malaking bulto nito ay nasa National Capital Region na umaabot sa 584,425 pamilya.

Mayroon umanong pitong milyong Pilipino ang walang sariling bahay at tatlong milyon dito ang nasa NCR.

Kasabay ng paglobo ng populasyon ay ang paglaki rin ng bilang ng mga walang sariling bahay.

Hindi naman kaila-ngang maging matalino para malaman na karamihan sa mga walang bahay ay walang kakayanan na magbayad (meron kasing mga professional squatter at mangilan-ngilan na may kakayanan na bumili ng bahay pero inuuna nila ang kotse).

Meron din naman na nabigyan na ng relokasyon dati pero bumalik sa pagi-ging squatter dahil sa kawalan ng kuryente, tubig, paaralan at mapapasukang trabaho sa pinagdalhan sa kanila.

Sa Kamara ay nakabinbin ang panukalang in-city housing program na akda ng chairman ng House committee on housing ang urban development na si Negros Occidental Rep. Albee Benitez.

Sabi ni Benitez nagsagawa ng inventory sa mga lupa na tinitirahan ng mga informal settlers at lumabas na malaking bahagi nito ay pagmamay-ari ng gobyerno.

Maaari umanong gamitin ng gobyerno ang mga lupa nito na nakatiwangwang kaya natirahan ng mga informal settlers, para makapagtayo ng mga medium rise building kung saan maililipat ang mga walang sariling bahay.

Sa ganitong paraan, mas tiyak na may suplay na ng tubig at kuryente, malapit sa kanilang pinapasukang trabaho at paaralan ng mga bata.

Hindi umano lumilikha ng bagong problema para sa mga nasa squatter’s area gaya ng naranasan sa mga relocation program noon.

Ang susunod na problema ay ang perang pampatayo sa mga gusali.

Ayon kay Benitez, mayroon siyang nakausap na mga malalaking developer sa bansa na handang pumasok sa ganitong proyekto ng gobyerno. At may mga nagsabing developer na matagal na nila itong sinasabi sa gobyerno pero hindi sila pinakikinggan.

Hindi naman lahat ng lupa na kinatitirikan ng bahay ng mga informal settler ay magagamit sa pagtatayo ng housing building. Ang bahagi ng lupa ay maaaring tayuan ng establisemento ng developer para naman mabawi nila ang kanilang gastos sa housing project.

Lalabas tuloy na halos wala nang babayaran o maliit lamang ang kailangang bayaran ng mga ililipat na informal settler dahil may pagkakakitaang iba ang developer.

At ang lupa ay mananatiling pagmamay-ari ng gobyerno. Mas OK na ito na gamitin ng ganito ang lupa kaysa hindi pakinabangan ng maayos dahil sa mga informal settlers.

Para naman matiyak na hindi mabababoy ang building, maaaring pumasok ang Department of Social Welfare and Development at magbigay ng trabaho sa mga wala.

Maaari silang kumuha ng tagalinis mula sa hanay ng mga ililipat na siyang maglilinis ng kanilang komunidad. Siguro naman ay aalagaan ng mga informal settlers ang paglilipatan sa kanila.

Read more...