Summer job ng gobyerno

MAGANDANG araw po sa Aksyon Line. Ako po ay nagtatrabaho bilang call center agent sa Alabang, Muntinlupa for two years. May kapatid ako na mag-4th year high school na this coming school year. Sabi niya gusto niya daw magkaroon ng part-time job ngayong bakas-yon para makatulong para pang- tuition niya sa pasukan. Ask ko lang po kung open ang summer job na alam ko ay iniaalok ng Department of Labor and Employment sa mga estudyante.
Abegail Dimalanta
Buendia st.,
Brgy. Tunasan,
Muntinlupa

REPLY: Para sa iyong katanungan Ms. Abegail, bukas ang summer job para sa mga tulad ng kapatid mo na gustong makapagtrabaho ngayong bakasyon.

Kamakailan lamang ay nilagdaan ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III ang Implementing Rules and Regulations o Department Order No. 175 para sa maayos at epektibong pagpapatupad ng Republic Act No. 10917 o ang inamyendahang Special Program for Employment of Students (SPES).

Ang SPES ay isa sa mga programang pangkabataan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na naglalayong bigyan ang mga benepisaryo ng oportunidad na makapagtrabaho tuwing bakasyon o summer job o tuwing Pasko o anumang panahon para matulungan silang ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa alinmang sekondarya, kolehiyo o technical-vocational institution.

Sa inamyendahang batas ng SPES, itinaas ang kwalipikadong edad ng aplikante mula 15 hanggang 25 taon ng 15 hanggang 30 taon, batay sa petsa ng kanilang aplikasyon.

Pinalawak din ang programa hindi lamang sa mahihirap ngunit karapat-dapat na estudyante kundi pati na rin sa mga out-of-school youth o mga hindi naka-enrol sa pormal na edukasyon o sa alinmang training institution; at sa mga dependent na estudyante o out-of-school youth ng mga manggagawang nawalan o mawawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng negosyo, pagpapatigil ng trabaho, o dahil sa kalamidad.

Isa pa sa inamyendahan sa batas ng SPES ay ang pagpapahaba sa panahon ng pag-empleyo. Mula sa dating 20 hanggang 52 araw, ang benepisaryo ng SPES ay maaari nang magtrabaho mula 20 hanggang 78 araw; maliban sa panahon ng bakasyon tuwing Pasko kung saan ang trabaho ay mula 10 hanggang 15 araw lamang.

May katumbas na academic at practicum o on-the-job training credit ang serbisyong ibinigay ng benepisaryo sa panahon ng pag-empleo kung ito ay may kaugnayan sa kanyang kurso ayon sa pagpapasiya ng ahensiya ng pamahalaan; samantalang ang panahon ng pag-empleo ng benepisaryo ng SPES na kalaunan ay kukuning empleyado ng parehong employer ay magiging bahagi na rin ng kanyang probationary period.

Bilang kabayaran, 60 porsiyento ng sahod ng estudyanteng benepisaryo ay manggagaling sa employer (pribado o pampubliko) samantalang ang natitirang 40 porsiyento ay sasagutin ng pamahalaan.
Para sa mga low-income local government units, maaari silang mag-sumite ng liham sa DOLE regional director upang hilingin na sagutin ng DOLE ang malaking bahagi ng sahod ng benepisaryo ng SPES batay sa mga sumusunod na pamamaraan: hanggang 75 porsiyentong bahagi para sa 6th class municipality; hanggang 60 porsiyento para sa 5th class municipality; at hanggang 50 porsiyentong bahagi para sa 4th class municipality o 6th class province.

Makakatanggap din ng insurance coverage ang benepisaryo ng SPES sa ilalim ng Group Personal Accident Insurance ng Government Service Insurance System (GSIS) sa loob ng isang taon.
Celeste T. Maring
Labor Communications Office
Department of Labor and Employment
Intramuros, Manila
Telephone Nos.: 5273000 local 621-627
Fax No.: 5273446

Read more...