Passport, karapatan o pribilehiyo?

PARA sa isang manlalakbay, napakaimportante ng pasaporte kaya dapat ay bitbit nila ito sa buong panahon ng kanilang biyahe habang hindi pa nakababalik ng kanilang bansa.

Ngunit para sa isang Pinoy, maraming gamit ang pasaporte.

Sa Hong Kong, isinasanla ito ng ating mga kababayan upang makapangutang. Kapag may naloko naman ang isang Pinoy na kapwa din OFW, gagawin niya itong guarantor, o siyang ma-nanagot sa kanyang pagkakautang at kukunin ang kanyang pasaporte upang magsilbing collateral kasama ng pasaporte ng taong nangutang.

Kamakailan lamang nasakote sa Hong Kong ang walong Pinay domestic helper na nakipagsabwatan sa mag-asawang HK nationals na sangkot sa tinatawag na loan shark syndicate.

Napakaraming pa-saporte ang nakuha sa grupo, patunay lamang na talagang marami ang mga nangungutang.

Matagal nang modus ito sa Hong Kong at ma-ging sa ibang mga bansa.

Alam kasi ng nagpapautang na matibay niyang mapanghahawakan ang pasaporte ng nangungutang dahil hindi ito makalalabas ng bansa kung walang pa-saporte. Kaya kampante silang magpautang ng kahit malaking halaga pa.

Sa panig naman ng Pinoy, palibhasa sa kanilang simpleng pagtingin, pasaporte lang naman
iyon at ang alam nila, pag-aari nila iyon kung kaya’t puwedeng-puwede naman palang ipangutang.

May kaisipan kasi ang OFW na “walang hanggan,” na may “forever” palagi, na anuman ang kanilang tinatamasa ay magtatagal iyon na para bang wala nang katapusan.

Kabisado na rin ng ating mga embahada at konsulado ang bulok na estilong ito ng ating mga OFW.
Kapag hindi na natubos ang kanilang pasaporte dahil hindi na nakakabayad ng utang, idedeklara nila itong “lost passport.”

Siyempre wala nga namang magawa ang ating mga opisyal kundi mag-isyu ng panibagong pasaporte para sa ating kabayan. Maliban na lamang kung may magre-report na ginamit nitong collateral ang kanyang pasaporte.

Nakakalimutan yata ng ating mga kabayan na hindi natin pag-aari ang ating mga pasaporte. Hindi karapatan ng bawat mamamayan na maisyuhan ng pasaporte.

Tulad ng Philippine passports, ayon sa isang opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA), Republika ng Pilipinas ang nagkakaloob nito bilang pribilehiyo ng kanilang mamamayan na makapaglakbay.

Ngunit anumang oras ay maaaring bawiin iyon ng ating pamahalaan kung hindi ginagamit sa tama.
Maaaring kanselahin iyon at tuluyan nang hindi bigyang muli ang unang pinag-ukulan nito.

Hindi ito dapat inaabuso. Huwag maging kampante ang ating mga OFW na palaging makalulusot sila sa
maling paggamit ng pribilehiyong ito.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (mula Lunes hanggang Biyernes, alas-10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali) audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...