Ilagan bet naka-silver sa SEA Youth Championships
ILAGAN City, Isabela – Naging mailap ang gintong medalya para sa Team Pilipinas subalit pinamunuan ng isang home bet na Ilaguenyo ang mga Pinoy athletes sa paghakot ng tatlong pilak at anim na tanso sa unang araw ng kompetisyon sa ginaganap dito na 12th South East Asian Youth Athletics Championships sa City of Ilagan Sports Complex.
Kinapos ang host city bet na 17-anyos na si Wally Gacusan, Grade 10 student sa Sta. Isabel National High School dito sa Isabela, na maibigay sa Pilipinas ang ginto sa boys high jump matapos na magkasya lamang sa nalundag nito na personal best na 1.81 metro.
“One day po bago mag-start ang tournament ay nadapa po ako habang nasa training. Nahirapan na po ako tumalon kasi sumasakit ang tuhod ko,” sabi ng bunso sa tatlong magkakapatid na anak ng corn, tobacco at rice farmer na nagnanais na maging miyembro ng Philippine Marines.
Inuwi naman ni Vo Ngoc Long Cao ng Vietnam ang ginto sa tinalon na 2.0 metro habang tanso si Janmell Francis Gervacio sa itinalang 1.70 metro.
Ikalawang nagbigay ng tanso ang 15-anyos na si Jason Jabol mula sa EAC-ICA Dasmariñas na pumangalawa sa boys long jump sa itinalang 6.99 metro. Napunta ang ginto kay Namee Satapor ng Thailand habang ang tanso ay inuwi ni Nino Azores sa nilundag nito na 6.73 metro.
Kinolekta naman ng 16-anyos na Palarong Pambansa girls 400m run record holder na si Bernalyn Bejoy ang ikatlong pilak ng bansa sa itinalang 2:16:22 tiyempo upang pumangalawa sa nagtala ng bagong meet record sa girls 800m run na si Thi Khanh Ny Ngo ng Vietnam na may 2:13:81 oras. Ikatlo si Marrisol Amarga sa 2:21:35 para sa tanso.
Pinakauna naman nagbigay ng medalya ang anak ni two-time Olympian Eduardo Buenavista at Children of Asia steeplechase silver medalist na si Eduard Josh Buenavista sa pagsungkit sa tanso sa boys 3,000m run kung saan itinala nito ang personal best na 9:25.85.
Nagtala naman ng bagong record si Hendrik Marlyonda ng Indonesia sa oras nito na 9:07:36 habang sinundan siya nina Syed Husseiin Aljunied (9:10.98) ng Singapore, Buenavista at Nathaniel Morales na ikaapat sa tiyempong 9:26.82. Ang dating record ay 9:27.78 ni Yuan Chow Lui ng Singapore.
Pinaghatian ng Indonesia at Vietnam sa tig-dalawa ang apat na bagong rekord sa torneo.
Binura ng Indonesia ang 3,000m at 800m boys mula kay Wempy Pelamonia sa oras na 1:55.72 minuto habang itinala ng Vietnam ang record sa 800m girls mula kay Thi Khanh Ny Ngo sa 2:13.81 at 3,000m girls mula kay Thu Hang Doan sa 10:18.59 minuto.
Ang iba pang mga nakapagwagi ng tanso sa Pilipinas ay sina Marizel Buer sa girls javelin throw (38.73m) at Veruel Verdadero sa boys 100m dash.
Isasagawa naman bukas, Marso 29, ang opening ceremonies sa tampok na 2017 Ayala Philippine National Open Invitational Athletics Championships sa ganap na alas-4 ng hapon.
Tampok sa 12th SEA Youth Games ang 36 athletic events habang mayroon naman na 98 events ang paglalabanan sa 2017 Ayala Philippine National Open Invitational Athletics Championships.
Nakataya ang mga silya para sa palalakasin na athletics national team sa 12th SEA Youth Games habang puwesto sa pambansang delegasyon na lalahok sa Kuala Lumpur, Malaysia sa 29th SEA Games sa Agosto ang nakataya sa kasunod na 2017 Ayala Philippine National Open Invitational Athletics Championships.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.