DALAWANG pangil na ang nabubunot ngayon sa nagmamatapang na si Mocha Uson. Halos hindi nagkakalayo ang pagitan ng pagkakasuspinde ng kanyang Twitter account at ng programa niya sa DZRH.
May mga natitira pa siyang armas ng komunikasyon pero kapag hindi umayos ang dating nagpapaseksing singer ay baka mawala na ang lahat sa kanya.
Pagmumurahin ba naman niya at tawaging tanga si Vice-President Leni Robredo, sino naman ang hindi aalma para ireklamo si Mocha, pababayaan ba naman ‘yun ng mga kababayan nating sumusuporta sa pangalawang pangulo?
Napakaraming paraan para siya makapagtawid ng kanyang paninindigan sa bawat isyu. Mamimili lang siya ng atakeng gagamitin niya. Pero sumosobra na ang lakas ng loob ni Mocha, kahit ang mga pulitikong ibinoto ng mga Pinoy ay masyado na niyang minamaliit at pinagsasalitaan nang sakdal-sakit, panatag na panatag ang nagpapaseksing singer sa kanyang lengguwahe.
Kung kontra man siya sa mga ginagawa ni VP Leni, sana’y ikulong lang niya ang argumento sa isyung inaayawan niya, huwag niyang pinepersonal ‘yung tao.
E, tawagin ba naman niyang bobo ang bise-presidente, sino ang hindi magrereklamo, sino ang hindi mangangalampag sa istasyong nagtiwalang magbigay sa kanya ng pagkakataong makapagradyo?
May linyang nakaguhit sa pagitan ng tama at mali. Ng puwede sa hindi. Kapag nilundagan na natin ‘yun ay siguradong magkakaroon ng problema.
Sa kabila ng suspensiyon ng kanyang programa ay taas-noo pa rin si Mocha Uson, wala raw siyang babawiin, pinaninindigan niya pa rin ang kanyang sinabi na bobo talaga si Vice-President Leni Robredo.