TAWA nang tawa ang aming source na kilalang-kilala sa mundo ng musika sa mga kuwentong nakarating sa kanya tungkol sa isang male singer. Tumanda na sa pagkanta ang lalaking singer.
Kuwento ng kanyang mga kasamahan ay mahirap katrabaho ang isang tumanda nang singer dahil sa sobrang kaartehan, may kasupladuhan din kuno ang male singer, pero sa harap ng mga camera ay parang okey na okey siya.
Kuwento ng aming source, “Naku, mabuti na lang at kahit minsan, e, hindi ko siya nakatrabaho. Nakikita ko siya sa mga gigs, nakakasabay siyang mag-guest ng mga katropa kong nagbabanda rin, pero hindi ko siya nakatrabaho.
“Imagine, ang work na dapat, e, ilang oras lang dapat niyang gagawin, e, inaabot pala nang maghapon at magdamag! Ang dami-dami pala kasing kaartehan ng matandang singer na ‘yun?” namamanghang kuwento ng aming impormante.
Pupunta kuno ang matandang singer sa kanyang sasakyan, Iidlip lang kuno siya pero ang sinasabi niyang idlip ay mahabang-mahabang oras na. Kapag ginigising na siya ay nagdadabog ang matandang singer, nakasimangot, naiinis.
Patuloy ng aming source, “Utang na loob pa ba sa kanya ng mga musikero ang paggawa ng album niya? Napakaarte at napakahirap palang katrabaho ng matandang singer na ‘yun?
“Heto pa. Feeling-matalino si lukutoy, pinapalitan niya ang mga lyrics ng piyesa, ‘yun daw kasi ang tama, hindi ang sinulat ng composer! Epal talaga siya!
“Hindi ngayon at sumikat siya sa music industry, e, magmamarunong na siya! Hindi na nadala ang matandang singer na ‘yun! Nawala siyang parang bula nu’n, pero nakabalik siya sa tulong ng mga taong naaawa at nanghihinayang sa talent niya.
“Pero ano ang ginawa niya sa mga taong umayuda sa kanya? Winalanghiya rin niya, nambaligtad pa siya ng kuwento, kaya nasaan na naman siya ngayon? Waley na naman! Palabuy-laboy na naman siya!
“Tanungin n’yo ako ngayon, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday kung meron ba tayo diyan at isa lang ang isasagot ko—wala na!” napapailing na pagtatapos ng aming naiinis na source.