Mahindra Floodbuster nahablot ang unang panalo
Laro Ngayon
(Mindanao Civic Center Gym)
5 p.m. Globalport vs Star
SUMANDIG ang Mahindra Floodbuster sa beteranong taktika at mga punto ni dating national coach Joe Lipa upang itala ang 89-81 pagwawagi kontra NLEX Road Warriors at iuwi ang unang panalo sa eliminasyon ng 2017 PBA Commissioner’s Cup Biyernes sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Pinasalamatan mismo ni Mahindra coach Chris Gavina ang multi-titled coach na si Lipa na tumulong sa kanya para magdisensyo ng taktika sa koponan na nagawang putulin ang dalawang sunod na kabiguan.
Agad umarangkada ang Floodbuster sa pagtala ng 24-18 abante sa unang yugto bago nito iniangat sa 44-34 sa halftime. Bumaba ang abante nito sa ikatlong yugto sa 68-62 matapos maghabol ang Road Warriors subalit agad bumalikwas sa simula ng ikaapat na yugto upang ihulog ang NLEX sa ikatlong sunod nitong kabiguan.
Umiskor ng apat na puntos si Ryan Araña habang may limang diretsong puntos si Mark Yee mula sa isang tres at jumper habang nagdagdag si LA Revilla ng isang tres upang lumayo ang Mahindra sa 84-70. Hindi na nakabawi ang NLEX mula rito.
Samantala, maagang namultahan ang dalawang coaches, tigatlong locals at Fil-foreign players, at dalawang imports matapos pa lamang ang apat na playing dates ng PBA Commissioner’s Cup elimination round.
Namultahan si NLEX coach Yeng Guiao ng P5,000 habang ang player niyang si Eric Camson ay P10,000, ayon kay PBA Commissioner Chito Narvasa.
Ito ay matapos hablutin ng Road Warriors mentor ang isang referee sa laban ng NLEX kontra Meralco noong Linggo sa Araneta Coliseum na pinagwagian ng Bolts, 91-84, habang sinahod ni Camson si Alex Stepheson sa kalagitnaan ng ikaapat na yugto.
Ang kakampi ni Camson na si Fil-Canadian forward Sean Anthony ay may P3,000 multa dahil sa game day conduct violation at may isa pang bayarin na hindi muna tinukoy ng liga ang halaga dahil naman sa dress code violation gaya ng ipinataw sa mga kakamping sina Fil-Tongan Asi Taulava at reinforcement Wayne Chism.
Ang Phoenix stalwart na si Willy Wilson ay may P3,000 fine sa flopping, samantalang wala pa ring presyo sa kani-kanilang mga pasaway na akto sina Mahindra import James White na naglambitin sa ring matapos dumakdak, ang Fil-Aussie Mick Pennisi sa masamang sinabi nito sa laro at Globalport teammate JR Quinahan sa hindi paglapit sa table officials o bastang pagpasok na lang sa game buhat sa bench.
Walang humpay naman ang mga paninigaw ni Blackwater coach Leo Isaac sa mga reperi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.