James Yap napiling PBA Player of the Week

NAGSILBING magandang pagkakataon para kay James Yap ang conference break para maayos ang kanyang kondisyon at makabawi buhat sa masagwang paglalaro para sa Rain or Shine Elasto Painters sa 2016-17 PBA Philippine Cup.

Kaya hindi katakataka na magpakita ng matinding paglalaro ang 6-foot-2 shooting guard na si Yap sa pagsisimula ng 2017 PBA Commissioner’s Cup kung saan pinamunuan nito ang nagtatanggol na kampeong Rain or Shine sa magkasunod na panalo kontra NLEX Road Warriors at Mahindra Floodbuster.

Binuksan ni Yap ang mid-season conference na may average na 19.0 puntos at 3.0 rebounds para masungkit ang Accel-PBA Press Corps Player of the Week sa period na Marso 17 hanggang 19 kung saan tinalo niya ang Meralco Bolts backcourtmen na sina Baser Amer at Chris Newsome para sa nasabing parangal.

Ang 35-anyos na si Yap ay naghulog ng 26 puntos, ang pinakamataas na iniskor niya sa mahigit tatlong taon, sa unang panalo ng Rain or Shine ngayong kumperensiya sa itinala nitong 113-105 pagwawagi sa NLEX noong Biyernes.

Muling ipinakita ni Yap ang mainit na shooting sa paghulog ng limang 3-pointers, kabilang ang isang step-back triple na gumulat kay Bradwyn Guinto at sumelyo sa pagkatalo ng NLEX.

Sinundan ito noong Linggo ni Yap ng 12 puntos, na nilakipan niya ng tatlong triple, para tulungan ang Rain or Shine na malusutan ang Mahindra sa overtime, 99-95.

“I felt last conference, his (Yap) knee wasn’t that good pa, pero nung offseason medyo maganda takbo niya sa practice,” sabi ni Rain or Shine coach Caloy Garcia patungkol kay Yap. “He comes early, shoots the ball, nagda-dunk pa sa practice to show he’s healthy.”

Ang Rain or Shine ay magpapahinga ng isang linggo bago bumalik aksyon sa Linggo kontra Blackwater Elite sa Ynares Center sa Antipolo City.

Read more...