PH women’s volley team hindi na sasali sa Asian Under-23 Championship

PALALAMPASIN ng Larong Volleyball sa Pilipinas Inc. (LVPI) ang pagsali sa Asian Women’s Under-23 Championship na itinakda sa Mayo 13 hanggang 21 sa Nakhon Ratchasima, Thailand upang makapagkonsentra na lamang sa paghahanda para sa paglahok nito sa 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Agosto 19-31.

Ipinaliwanag ni LVPI acting president Peter Cayco na ang pangunahing prayoridad sa kasalukuyan ay ang pagbubuo sa pambansang koponan at maihanda ang mga napiling manlalaro na magsanay ng sama-sama sa loob ng natitira na limang buwan bago ang pagsasagawa ng kada dalawang taong multi-sports na torneo.

Upang mapabilis ang paghahanda ay nais ng LVPI na dalhin ang nationals sa labas ng bansa para magsanay ng isa hanggang tatlong beses sa Japan, Korea at China para sumailalim sa mga training camp.

“We may not join in the U-23 anymore and just focus on the SEA Games,” sabi ni Cayco, na siyang representante ng Arellano University sa NCAA board. “We’ll just join training camps and our team is choosing training camps in two or three countries outside the Southeast Asian region.”

Huling tumapos ang Pilipinas na ikapito mula sa kabuuang 12 bansa na sumali sa unang pagsasagawa ng torneo na ginanap sa bansa dalawang taon na ang nakalipas at kabilang ito sa koponan sa Pool D sa siyam na araw na torneo kasama ang Iran, New Zealand at Malaysia.

Posibleng mapatawan ng penalty ang Pilipinas bagaman makakapagpatuloy pa rin ang torneo kahit hindi kasali ang bansa.

Samantala, muling humingi ng paumanhin si Cayco habang inihahayag nito ang pagsasagawa ng LVPI ng isang special tryout para sa Ateneo players na sina Marck Espejo, Jia Morado, Maddy Maddayag at Kat Tolentino.

Si Espejo ay ilang beses naging UAAP MVP at kampeon sa liga ay tinanghal din na best player sa men’s team na naglaro noon sa  2015 Singapore SEAG habang si Morado, na pangunahing setter sa women’s team na sumabak din sa Singapore, ay hindi napabilang sa napili na bumubuo sa 24 kataong pool.

Sina Maddayag at Tolentino ay nakasama naman sa pool na pinangalanan ni women’s national team coach Francis Vicente kahit na ang dalawa ay hindi naimbitahan at nakasama sa serye ng isinagawang tryout kasama naman ng national men’s team coach na si Sammy Acaylar ng Perpetual Help.

Ipinaliwanag naman ni Cayco na bigyan na lamang ng tsansa ang apat na agad makasama sa pool.

“I will talk to them (Vicente and Acaylar). But if it’s me who will decide, I would seed them straight to the team and forego the tryouts,” sabi nito.

Matatandaan na inihayag ng LVPI ang komposisyon ng men at women’s team nakaraang Martes kung saan 25 ang sa kalalakihan at 24 naman sa babae na kinabibilangan nina Alyssa Valdez, Jaja Santiago, Rachel Daquis, Kim Fajardo at Myla Pablo.

Read more...