Suspek sa road rage sa Cebu nagpadala ng surrender feeler kay Bong Go
NAGPAABOT kay Special Assistant to the President Bong Go ng intensyon na sumuko ang suspek sa pamamaril sa isang nurse sa Cebu City.
Sinabi ni Go na nakatakdang sumuko ngayong araw si David Lim, Jr. kay Regional Commander Chief Superintendent Noli Talino batay na rin sa abiso ng kanyang nanay na si Mrs. Lim.
“Sir Bong, the family decided to follow your advise to surrender my son David Lim Jr. to the regional commander Chief Superintendent Noli Talino tomorrow… Pls help us facilitate his surrender and safety. – Mrs. Lim,” sabi ng text ni Mrs. Lim kay Go na ibinahagi naman ng huli sa mga miyembro ng Malacanang Press Corps (MPC).
Niliwanag naman ni Go na wala siyang kaugnayan sa mga Lim.
“No. Wala ko kaila. Nag duol lang kay Peter Go ( Davao-based Cebuano) si Mrs. Lim. Then ako gi convince to surrender (No. Hindi ko kilala. Lumapit kay Peter Go (Davao-based Cebuano) si Mrs. Lim. Then aking kinumbinsi na isuko (nya ang anak),” sabi ni Go.
Idinagdag ni Go na wala rin siyang kaugnayan kay Peter Go.
“… No. Longtime friend namin ni boss,” sabi ni Go.
Nagtamo ng dalawang tama ng bala ang biktimang si Ephraim Montalbo matapos barilin ni Lim dahil sa nangyaring away-trapiko sa F. Sotto st., Barangay Kamputhaw, Cebu City ganap na alas-3 ng umaga noong Linggo.
Tumakas si Lim kasama ang isang babaeng pasahero sakay ng isang dark-colored na Mercedes Benz (UNI 731).
Sinabi ni PO3 Nicolo Gonzales, ng Cebu City Police Office (CCPO) homicide section na nagsimula ang away-trapiko nang magpaekis-ekis ang Mercedes Benz sa makipot na dalawang linya na kalsada bago huminto sa gitna ng kalsada.
Binusinahan ni Montalbo, na sakay ng Toyota Altis ang sasakyan para ito makadaan.
Imbes na paandarin ang kanyang sasakyan, bumaba si Lim kasama ang babae at sinipa ang kotse ng biktima.
Tinangka pang suntukin ng suspek si Montalbo, bagamat nakailag ang biktima. Bumalik ang suspek sa kanyang kotse at kumuha ng baril.
Makikita sa video na nakuha ng isang motorista na nasa likod ni Montalbo na tinutukan ng suspek ng baril ang suspek na bumaba ng kanyang kotse.
Bigla na lamang binaril ng suspek si Montalbo ng apat na beses, base sa video.
Bagamat sugatan, nagawang kuhaan ni Montalbo ng litrato ang plate number ng Mercedes Benz habang ito ay papaalis.
Nakarekober ang pulisya ng dalawang basyo ng .22-caliber pistol at bala mula sa pinangyarihan ng krimen.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.