MINAMADALI ng House committee on energy ang amyenda sa oil deregulation act. Mabuti naman.
Sa amyenda, palalakasin ang kita sa tingi, o ang bentahan sa mismong mga gasolinahan; palalawakin ang poder ng Department of Energy para mapigilan ang pagmamanipula ng presyo ng langis at hindi palaging binibilog ang ulo natin; aalisin sa malalaking kompanya ang kapangyarihan at impluwensiya
na magdikta ng presyo; gagawing pantay ang laban ng small players sa Big 3 nang sa gayon ay bumaba ang presyo sa mga gasolinahan; at higit sa lahat “transparency in the pricing of oil products.”
Ang ibig sabihin ay pati tayo, alam natin kung bakit ganoon ang presyo bawat litro.
Medyo, nakalilito ba? Hindi ba maintindihan ng magtataho?
Sa Thailand, ginawang simple ang masalimuot. Malayang nakapagnenegosyo ang ibig magnegosyo sa langis. Pero, bantay-sarado sila. Araw-araw ay may sugo ng gobyerno para kuwentahin ang kanilang transaksyon. Araw-araw ay nasisilip ang kanilang libro.
Sa Pilipinas, walang kuwentas klaras, hindi rin binubuksan ang libro.
BANDERA Editorial, 111109