FEU Lady Tamaraws nakubra ang ikalimang panalo
Mga Laro sa Miyerkules
(Filoil Flying V Centre)
8 a.m. UE vs UST (men)
10 a.m. Adamson vs NU (men)
2 p.m. UP vs UE (women)
4 p.m. Ateneo vs UST (women)
BINIGO ng Far Eastern University Lady Tamaraws ang nakatapat na Adamson University Lady Falcons sa tatlong diretsong set, 25-9, 25-20, 25-11, upang panatiliing buhay ang tsansa sa semifinals sa UAAP Season 79 women’s volleyball tournament Linggo sa Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Dinomina ng Lady Tamaraws ang Lady Falcons sa laban para burahin ang masakit na pagkatalo sa defending champion De La Salle University Lady Spikers.
Nagtulung-tulong sina Remy Palma, Bernadeth Pons at Toni Basas para iangat ang Lady Tamaraws sa 5-4 panalo-talong record at putulin ang dalawang sunod na kabiguan na ang huli ay kontra Lady Spikers.
Nagtala si Basas ng 13 kills sa kanyang kabuuang 16 puntos habang sina Pons at Palma ay may 10 puntos.
Patuloy naman nanatiling walang panalo ang Lady Falcons sa loob ng siyam na laro sa ilalim ni American coach Airess Padda at kabuuang 16 na diretso sapul magsimula ang ikalawang round ng Season 78.
Hinablot naman ng nagtatanggol na kampeong DLSU Lady Spikers ang ikapito nitong panalo matapos biguin ang National University Lady Bulldogs, 25-21, 25-11, 15-25, 25-12, sa tampok na laro.
Bunga ng panalo, iniangat ng Lady Spikers ang kanilang kabuuang karta sa 7-2 panalo-talong record habang inilaglag sa ikaapat nitong sunod na kabiguan ang Lady Bulldogs na mayroon ngayon na 5-4 record.
Ipinagpatuloy ng nagtatanggol na kampeong Ateneo de Manila University Blue Eagles sa siyam na sunod ang panalo matapos ntiong biguin ang nakatapat na University of the Philippines Maroons, 25-19, 26-28, 25-15, 25-16, para masiguro ang silya sa Final Four ng men’s division.
Kinailangan ng Blue Eagles ang isang oras at 36 minuto upang iuwi ang apat na set na panalo kontra sa Maroons na nagpanatili rito sa tsansang mawalis ang lahat ng laban sa eliminasyon at maangkin ang importanteng insentibo na agad tumuntong sa kampeonato at tatlong beses tataluning insentibo sa bitbit na 9-0 panalo-talong record.
v“We’re not thinking about that,” sabi lamang ni Ateneo coach Oliver Almadro. “All teams are capable of beating us and that is why we always wanted to be ready for all the challenge.”
Nagtala si Marck Jesus Espejo ng 19 puntos tampok ang 15 sa spikes habang may 16 si Rex Emmanuel Intal na may apat na block at apat na service ace. Nag-ambag si Joshua Villanueva ng 15 puntos at 11 puntos naman kay Ron Adrian Medalla.
Nahulog naman ang UP sa 4-5 panalo-talong kartada bagaman nakakapit pa rin sa krusyal na ikaapat na puwesto.
Samantala, surpresang binigo ng DLSU Green Spikers ang nasa itaas na puwestong FEU Tamaraws sa loob ng limang set, 21-25, 25-21, 25-22, 18-25, 17-15, upang panatiliing buhay ang tsansa na makaagaw ng silya sa Final Four o sa stepladder semifinals.
Pinamunuan ni Cris Dumago ang tatlong iba pang Green Spikers sa pagtatala ng double figure sa 16 puntos mula sa 14 spikes upang putulin ang dalawang sunod na kabiguan ng DLSU. Mayroon din itong 21 excellent reception at siyam na digs.
Nag-ambag sina Arjay Onia at Geraint Bacon ng 14 puntos habang si Joshua Jose ay may 10 puntos upang iangat ang DLSU sa 3-6 panalo-talong karta sa pagpapalasap sa FEU ng ikalawang sunod na kabiguan at mahulog sa 5-4 record.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.