Mas malawak na tax exemption hirap ipasa

    house of rep
Inamin ng chairman ng House committee on ways and means na mas mahihirapang ipasa ang panukalang Tax Reform Package ng Duterte government kumpara sa death penalty bill.
    Ayon kay Quirino Rep. Dakila Cua mas komplikado ang tax reform bill lalo at kailangang mag-ingat ang Kongreso sa ipapasa nitong bersyon dahil maaari itong magresulta sa mas mahal na pamasahe at bilihin.
    “Hindi kasi ganon kasimple na kunwari isang death penalty issue lang ang pinag-uusapan mo, isa lang ang pinagdedesisyunan mo. Dito kasi maraming pinag-iisipan. Package kasi. Ang daming pinag-iisipan, maliliit na issue at malalaking issue dito,” ani Cua.
    Sinabi ni Cua na pipilitin nilang maaprubahan ng komite ang panukala bukas. Maaari naman itong masimulan na talakayin sa plenaryo sa muling pagbubukas ng sesyon sa Mayo.
    “Hindi ko naman kasi masasabing perfect na itong package na ito at wala na tayong pwedeng ayusin dito, ngunit kung makita naman na generally siguro mas maraming makaka benepisyo sa batas na ito, maaaro naman talagang maipasa ito nang hindi ganon ang paraan,” dagdag pa ni Cua.
    Ang pangunahing layunin ng panukala ay gawing tax exempt ang mga kumikita ng P250,000 kada taon.
    Dahil may mawawalang kita sa gobyerno na aabot sa P200 bilyon, nais naman ng Department of Finance na itaas ang buwis sa produktong petrolyo at magpataw ng buwis sa ilang produkto kaya ng panalo sa lotto.

Read more...