KASABAY ng pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan, tampok sa Maalaala Mo Kaya ngayong gabi ang isang kwentong nag-viral sa social media tungkol sa isang inang sinikap pagsabayin ang kanyang pag-aaral at pagiging ina para sa kinabukasan ng kanyang pamilya.
Galing sa mahirap na pamilya, sinikap ni Vin-zl (Erich Gonzales) na makapagtapos ng pag-aaral para guminhawa ang kanilang buhay lalo na at nabuntis ang isa sa kanyang kapatid.
Ipinangako niya sa kanyang sarili na kailanman hindi siya gagaya sa kanyang kapatid. Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari ay mabubuntis din siya ng kanyang nobyong si Red (Geoff Eigenmann) kaya napilitan siya na itigil ang pag-aaral.
Gayunpaman, ang hangarin niyang makapagtapos ay hindi nawala. Kaya’t nang manganak, lubos siyang sinuportahan ng kanyang asawa at ama na ipagpatuloy ang naunsiyaming pag-aaral sa kolehiyo.
Sa kanyang pagbabalik-eskwela, paano kaya niya mapagsasabay ang pag-aaral at pagiging ina sa batang si Vianca (Krystal Crooks) lalo na’t kailangan niyang isama ang anak sa eskwela? Alin sa dalawa ang mas mapagtutuunan niya ng pansin?
Makakasama rin sa MMK episode na ito sina Andrea del Rosario, Michael Flores at Yanna Asistio, sa direksyon ni Raz dela Torre at sa panulat nina Mae Rose Balanay at Arah Jell Badayos. Ang MMK ay pinamumunuan ng Star Creatives COO na si Malou Santos.
Maantig sa mga kwentong hatid ng longest-running drama anthology sa Asya, ang MMK, tuwing Sabado ng gabi pagkatapos ng Your Face Sounds Familiar Kids sa ABS-CBN o ABS-CBN HD (SkyCable channel 167).