Erik payag maging ninong ng anak ni Rufa Mae

ERIK SANTOS , RUFA MAE QUINTO AT BABY ATHENA

ERIK SANTOS , RUFA MAE QUINTO AT BABY ATHENA

MASUSUBUKAN ni Erik Santos kung kaya na niyang magdirek at magsulat ng sarili niyang concert sa Abril 7 na gaganapin sa The Theater sa Solaire Resort & Casino na may titulong “Erik Santos Sings The Greatest OPM Classics” produced by Powerhouse 2 Lucky 7 KOI Productions.

Kuwento ni Erik, gusto niyang sa sarili muna niyang show gawin ang kaalaman niya sa pagdi-direk at pagsusulat para kapag may palpak, at least sa show niya iyon.

“Ngayon lang kasi ako nagkaroon ng lakas ng loob na gawin ito, matagal ko nang gustong gawin ito and ngayon ako nabigyan ng pagkakataon with the help of Lucky 7 KOI Productions and Cornerstone Entertainment.

“Ang pagdidirek kasi hindi lang ‘yan base sa nakikita mo, pati line up of songs, pakikialaman mo ‘yan, bawa’t detalye ng bawa’t production number na gagawin mo kailangan maganda, kailangan maka-kunek ‘yung tao, kailangan, mai-embrace mo sila,” kuwento ni Erik.

Pawang OPM classics ang mapapakinggan sa concert ng King of Teleserye Theme Songs, “Tribute sa lahat ng OPM icons and singers, songwriters at para ma-reintroduce ko kung gaano kaganda ang mga musikang Pilipino.

“May storytelling sa bawa’t production number na gagawin nila at makikita kung anong approach ‘yung gagawin namin,” pahayag ng binatang singer.

Mga idol daw niya sa pagdidirek ng concerts/shows ay sina Direk Rowell Santiago, Paolo Valenciano, GB Sampedro, Bobby Garcia at Johnny Manahan.

“Sila ‘yung mga direktor ko sa concerts ko in the past. At kapag nagdidirek sila, ino-observe ko talaga sila. Kapag hindi ako nakasalang, tinitingnan ko kung paano, ‘yung mga ideas nila, ino-observe ko talaga,” sabi ni Erik.

As of now ay wala pang naiisip si Erik na gusto niyang idirek dahil gusto muna niyang matapos ang show niya sa Abril 7 at kapag positibo ang resulta ay saka niya pag-iisipan kung sino.

Nabanggit pa na mas madaling makatrabaho raw ang mga malalapit sa kanya dahil gamay na niya tulad nina Angeline Quinto, Yeng Constantino, Sarah Geronimo at lahat ng close sa kanya.

Sa tanong namin kung halimbawang magustuhan ang pagdidirek niya at hindi na siya kukuning performer sa mga concert, “Okay lang para at least ibang experience naman. Minsan kasi kapag nanonood ako ng concert, you can assest o critized siyempre sa sarili ko lang ‘yun.”

And for the nth time, muling tinanong ang pagiging single ni Erik sa loob ng mahabang panahon kung ano na ba ang lagay ng puso niya ngayon, “Let’s pray for that. I’ve been praying for it,” natawang sagot ng binata.

Mukhang mas okay namang single si Erik, “May maganda at hindi maganda. Kasi, kapag single ka, wala kang kailangang i-text ng good night, wala kang kailangang pagpaalaman na nandito ako, mga whereabouts mo.

“Pero iba rin kasi yung feeling na may maggu-good night sa ‘yo, may magsasabi ng ‘I love you’ at ‘I miss you. Iba rin yung inspiration na naibibigay nu’n,” aniya.

Samantala, papayag ba si Erik na maging ninong ni Baby Alexandria Athena, ang anak ng ex-GF niyang si Rufa Mae Quinto.

“Kung kukunin ako, why not? Hanggang ngayon, we remain good friends pa rin,” sagot ng binata.

Hindi naman daw nawala ang komunikasyon nila bilang magkaibigan maski hiwalay na sila, “Pero noong nagbuntis siya, nanganak siya, hindi kami masyadong nakakapag-usap. Ang cute ng baby niya, ha!” sabi ni Erik.

Read more...