MUKHANG mali na naman ang gising ng mga tao sa Metropolitan Manila Development Authority at kung ano-anong kalokohan ang naiisip nila. Minsan, gusto kong isispin na ang mga tao sa tanggapang ito ay nabubuhay para bigyan ang mga taga Metro Manila ng sakit ng ulo.
Katulad na naman nitong Odd-Even Scheme Window 2.0 nila. Akala ko ay operating system ng computer nila sa opisina dahil laos na rin ang gamit ng mga ito. Yun pala, vehicle reduction scheme gamit ang oras sa isang araw at ang huling numero ng plaka.
Isipin mo, base sa bagong plano nila, maaari mo lamang gamitin ang sasakyan sa EDSA ng dalawang oras. At ang siste, tipong odd-even style pa ang patuparan nito.
Sa panukala nila, mula 7-9 ng umaga ay mga plakang nagtatapos lamang sa 1,3,5,7,9 ang puwedeng dumaan sa EDSA, 9-11 naman yung natatapos sa 0,2,4,6,8. Mauulit ito sa mga susunod na oras sa isang araw.
Ano yan? bibigyan nila ng dalawang oras ang motorista na baybayin ang EDSA na minimum na gamit ay isa’t kalahating oras?
So ano ang gagawin ng motorista pag aabutin na siya nang pagsara ng oras niya sa EDSA? Eh di mag-uunahan silang umalis ng EDSA na magiging dahilan para magkagulo ulit sa highway dahil nagmamadali umalis yung mga aabutan ng oras nila.
Isipin ninyo, ang mga nanay, maghahatid sa paaralan sa umaga, pagkatapos ay mamamalengke o mag-go-grocery, tapos ay magbabayad ng bills, at huli ang mga errands na kailangan nilang gawin. Sa tingin niyo kaya nila ng dalawang oras yang lahat ng iyan?
Ano Superwoman?
Sa isang interview, sinabi ni MMDA General Manager Tim Orbos na hindi pa naman siguradong ipatutupad nila ang bagong plano at kaya nila inilutang ay upang malaman ang reaksiyon ng tao.
Ganyan na magplano ngayon ang pamahalaan?
Ilang beses ko na inilatag ang suggestion na magsagawa ng isang malawakang pag-a-aral sa dahilan ng trapiko sa Metro Manila. Saan ba galing ang mga sasakyan na iyan? Saan nagmumula ang primary flow ng trapiko?
Sa Balintawak ba, o sa Alabang ba, o sa Cainta ba? Saan ang end point ng trapik? Sa Makati ba, o sa Ortigas ba, o sa Taguig ba?
Anong mga suburbs ba ang main contributor sa pagtaas ng daytime vehicular at pedestrian population sa Metro Manila. Bulacan ba, o Pampanga ba, o Rizal, Cavite, Laguna, Batangas ba?
Papaano ba mapabibilis ang pagpasok at paglabas ng mga sasakyan mula sa mga lugar na ito patungo sa mga business districts at employment districts ng Metro Manila?
Direktang highway ba mula sa northern, eastern at southern suburbs papuntang Ortigas, Makati at Taguig, o dedicated freeways mula sa mga indibidwqal na suburban areas na ito?
Ano bang mga lugar ang suburbs ng Metro Manila para makagawa na ng plano for development?
Sana ito yung mga tanong na sagutin ng MMDA para magkaroon ng totoong solusyon ang congestion sa Kalakhang Maynila. Long-term, logical, people and commuter based at hindi ihip na imahinasyon na hindi man lamang napagisipang mabuti.
Para sa mga reaksiyon at komento sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com or sa inquirerbandera2016@gmail.com