Solo lead pag-aagawan ng Ateneo, La Salle

Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
8 a.m. FEU vs UST (men)
10 a.m. DLSU vs Ateneo (men)
2 p.m. FEU vs UST (women)
4 p.m. DLSU vs Ateneo (women)
Women’s standings: DLSU (5-1); Ateneo (5-1); UP (4-2); FEU (4-2); NU (3-3); UST (3-3); UE
(0-6); Adamson (0-6)
Men’s standings: Ateneo (6-0); NU (5-1); FEU (4-2); UP (3-3); UST (3-3); DLSU (2-4); Adamson (1-5): UE (0-6)

SOLOHIN ang liderato ang kapwa asam ng magkaribal na De La Salle University at Ateneo de Manila University habang sasariwain ng Far Eastern University at University of Santo Tomas ang matagal nang karibalan ngayong hapon sa pagtatapos ng unang round ng UAAP Season 79 women’s volleyball tournament sa Mall of Asia Arena, Pasay City.

Una munang magsasagupa sa men’s division ang FEU Tamaraws at UST Tigers ganap na alas-8 ng umaga bago sundan ng salpukan ng DLSU Green Spikers at ang nagtatanggol na kampeon na Ateneo Blue Eagles ganap na alas-10 ng umaga.

Susundan ito ng salpukan sa pagitan ng Lady Tamaraws, na hangad ang ikaapat na sunod na panalo, at
Tigresses, na asam ang ikatlong sunod na pagwawagi, sa unang laro sa women’s division bago ang unang paghaharap ng huling dalawang kampeon sa liga na Lady Eagles at ang nagtatanggol na kampeong Lady Spikers.

Inuwi ng Lady Tamaraws at Tigresses ang kabuuang 43 korona sa liga subalit nawala simula noong 2009-10 season kaya naman pilit na bubuhayin ng dalawang koponan ang pagnanais na muling makabalik sa kampeonato.

Pag-iinitin din ng Ateneo at La Salle sa kanilang muling paghaharap matapos ang nakaraang emosyonal at matira-matibay na kampeonato 11 buwan na ang nakaraan ang paghahangad sa titulo.

Magkasalo sa liderato ang La Salle at Ateneo sa itinalang league-best 5-1 panalo-talong kartada.
Bitbit naman ng FEU ang 4-2 karta habang ang UST ay may 3-3 record.

Tanging nabigo ang Lady Spikers sa UP Lady Maroons, 22-25, 21-25, 19-25-19, habang ang Lady Eagles sa NU Lady Bulldogs, 17-25, 13-25, 25-19, 27-29.

Magkakasubukan naman ang dalawang koponan matapos mabago ang komposisyon sapul na huling magsagupa noong Abril 30, 2016 kung saan hinubaran ng La Salle ang Ateneo ng korona.

“Kapag kalaban mo La Salle kailangang mataas ang kumpiyansa mo,” nasabi lamang ni Ateneo assistant coach Sherwin Meneses.

Nanatiling solido ang La Salle kahit nawala sina Ara Galang at Mika Reyes bunga ng pananatili nina Kim Fajardo, Kim Dy, Majoy Baron at Dawn Macandili na sinusuportahan ng mga rookies na sina Aduke Ogunsanya, Tin Tiamzon at Desiree Cheng.

Nagpapakita naman ng lakas ang Ateneo kahit nawala si Alyssa Valdez mula sa liderato ni playmaker Jia Morado katulong sina Jho Maraguinot, Bea de Leon, Michelle Morente at nagbabalik na si Kat Tolentino gayundin kay libero Gizelle Tan.

Read more...