ILOILO City – Inuwi ni Mark Julius Bordeos ng Kinetix Lab-Army ang kanyang pinakaunang lap victory matapos maungusan ang limang iba pa sa paspasan sa finish line ng Stage 13 ng LBC Ronda Pilipinas 2017 na huling hamon sa kasaysayan kay overall leader Jan Paul Morales ng Navy na nagsimula at nagtapos dito sa Iloilo Business Center.
“Nakatsamba lang po,” sabi ng 21-anyos mula Loac, Pangasinan na si Bordeos matapos makalusot sa gilid sa huling 50 metro para sa 5 oras, 19 minuto at 1 segundo sa 209 kilometrong karera na umikot mula Iloilo at Antique pabalik sa Iloilo para sa kanyang unang panalo sa pitong taong pagsali sa taunang karera.
Ikalawa hanggang ikaanim sa katulad na oras ang Stage One winner na si Ronald Lomotos ng Navy, Cris Joven ng Army, Leonel Dimaano ng RC Cola-NCR, Roel Quitoy ng Mindanao at Lord Anthony Del Rosario ng Army.
Naiwan ng dalawang segundo si Marvin Tapic ng Army habang siyam na segundo ang red jersey wearer na si Jan Paul Morales. Ikasiyam si Ronnilan Quita ng Army na 3 minuto at 29 segundo naiwanan habang ikasampu si Joshua Mari Bonifacio ng Go for Gold na naiwan ng 3 minuto at 47 segundo.
Nakahinga naman ng maluwag ang nagtatanggol na kampeon na si Morales matapos ang mapayapa at ligtas sa sakuna nitong pagsikad sa ika-13 leg kung saan magsisilbi na lamang nitong victory ride ngayon ang Stage 14 na siyang pinakahuling yugto na isang oras at dagdag na tatlong lap na criterium.
“Nagpapasalamat po ako sa Panginoon dahil ligtas po ang lahat partikular po ako dito sa lap na ito,” sabi ng 31-anyos na si Morales na nanatili sa unahan ng overall individual standings sa tinipon na 43:50:45 oras at kapit ang 13 minuto at 9 segundo na abante sa kakampi nito sa Navy na si Rudy Roque (44:03:54).
Kailangan na lamang ni Morales na ligtas na tapusin ang 1 oras at 3 lap na ikutan para tanghaling unang back-to-back champion sa LBC Ronda Pilipinas at iuwi ang kabuuang P1 milyon sa kampeon mula sa presentor LBC katulong ang MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.
Bahagya naman nabago ang ikatlo hanggang ikasampu kung saan nanatili sa ikatlo si Joven (44:06:55) at ikaapat si Bryant Sepino ng Go for Gold (44:17:58). Umakyat sa ikalima ang dating ikaanim na si Dimaano (44:18:25) gayundin ang dating ikawalo tungo sa ikaanim na si Lomotos (44:19:15).
Nahulog ang dating ikalima pabalik sa ikapito na si Daniel Ven Carino ng Navy (44:22:59) gayundin ang nasa ikapito na dumulas sa ikawalo na si Lloyd Lucien Reynante (44:22:59). Umakyat sa ikasiyam ang dating nasa ika-10 na si Reynaldo Navarro ng Army habang nagbalik sa Top 10 si Quita (44:27:00).
Nanatili pa rin bilang Overall Sprint at King of the Mountain si Morales habang si Carino ang nangunguna sa Overall Best Young rider.
Samantala, inagaw ng Army ang ikalawang puwesto sa Overall Team Classification mula sa Go for Gold sa pagtala ng siyam na minutong abante bunga ng matinding pagtatapos ng mga miyembro nito.