BAKIT kapag may quotient system na involved ay okay lang i-shoot ang bola kahit tambak na ang kalaban? Pero kapag quarterfinals, semifinals, o Finals na ay hindi puwedeng i-shoot ang bola kapag malayo na ang kalamangan ng isang team at patapos na ang game?
Nababago ba ang paglalaro ng basketball? Dapat bang baguhin ang paglalaro ng basketball?
Hindi ko kasi maintindihan kung bakit kailangang sumbatan ni Barangay Ginebra coach Tim Cone si Chris Ross matapos itong tumira ng three-point shot sa dulo ng Game Three.
Hindi ba’t noong elimination round ay hindi naman pinipigilan ni Cone ang kanyang mga manlalarong umiskor kahit na malayo na ang kalamangan nila?
Matagal ko na kasing pinupuna ang attitude na ito ni Cone, e. Nagsimula ito noong nasa Alaska Milk pa siya at ipinapares niya ito sa estilo ng mga coaches o koponan sa National Basketball Association.
Itinuturing daw niya na may class ang mga NBA teams na hindi na umiiskor kapag patapos na ang laro at malayo na ang lamang nila. Pero hindi naman nagsimula sa ganoon ang NBA, e. Ganoon ba ang ginagawa ng Lakers ni Wilt Chamberlain?
Ganoon ba dinisenyo ni James Naismith ang basketball? Sa totoo lang, wala namang problema kung itira pa ng isang team ang bola kapag lamang na sila at malayo na ang score.
Wala namang problema kung itira pa ni Ross ang bola gayong walong puntos na ang abante ng San Miguel Beer at patapos na ang laro.
Malay mo naghahabol ng statistics si Ross. O may ngitngit siya sa three-point line dahil buong gabi siyang hindi naka-shoot. O gusto niyang pagandahin ang kanyang mga numero dahil sa ang bonus na ibinibigay sa Finals ay ayon sa kung ilang puntos ang nagawa. May ganoong bonus scheme.
Naalala ko nga nang una kong nakitang magngitngit si Cone sa isang player at ito ay si Kelly Williams noong naglalaro pa ito sa Sta. Lucia Realty. Patapos na ang laro at panalo na ang Realtors pero idinakdak ni Williams ang bola. Naghiyawan ang mga tao dahil gusto nilang makakita ng dunk. Pero minasama iyon ni Cone. Gusto lang namang pagbigyan ni Williams ang mga fans.
So, kailangan bang pagsabihan ni Cone ang manlalaro ng kabilang team?
Sa ganang akin, kung prinsipyo ni Cone na huwag patirahin ang kanyang mga manlalaro kapag panalo na sila at malaki na ang abante, okay lang. Iyon ang gusto niya, e.
Pero wala siyang pakialam sa kabilang team. Hindi niya kargo iyon. Bahala ang kabilang team kung ano ang gusto nilang gawin. At kung may aawayin si Cone, hindi ang player na tumira. Awayin niya ang coach dahil pinayagan nitong tumira ang player!
E paano kung nakipagsigawan sa kanya si Ross? Paano kung umalma ito sa kanya at binastos siya nang tuluyan? May katwiran bang magalit si Cone? E siya ang naunang umalma.
Mabuti na lang at hindi masama ang ugali ni Ross.
At muli ay sasabihin ko ito: Paano kung ang kaisipan ng karamihan ay tulad ng kaisipan noong araw na kapag hindi mo itinira ang bola o sadyang iminintis ang tira, ang tawag doon ay “game-fixing” o “point shaving?
Tsaka kung gusto nilang huwag tumira sa endgame, e di tanggalin na lang ang quotient system para hindi malito ang lahat!