NANATILING palaban ang Wangs Basketball Couriers para sa playoff spot sa 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup matapos padapain ang Blustar Detergent Dragons, 87-78, kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Pinangunahan ni John Tayongtong ang Couriers sa ginawang 18 puntos, limang assists at apat na rebounds habang si Cedrick Labing-isa ay nag-ambag ng 18 puntos, apat na rebounds at tatlong assists.
Muntikan naman magtala si Allen Enriquez ng double-double sa ginawang 14 puntos at siyam na rebounds habang si Von Tambeling ay nagdagdag ng 12 puntos, dalawang rebounds at dalawang assists.
Sa kartang 3-5 ay may pag-asa pa ang Wangs Basketball na makapasok sa top six. Kailangan naman nilang ipanalo ang kanilang huling laro kontra Jose Rizal University sa Martes at umasa na ang ibang koponan na nasa itaas ay matatalo sa huling bahagi ng eliminasyon.
Rumatsada agad ang Couriers kontra Dragons para itatag ang 27-14 bentahe sa unang yugto na pinalobo pa nila sa 20 puntos, 65-45, sa kalagitnaan ng ikatlong yugto.
Subalit nanatiling palaban ang Blustar matapos tapyasin ang kalamangan sa limang puntos, 81-76, mula sa alley-oop play ni Jason Melano kay Mak Long Seng may 2:04 ang nalalabi sa ikaapat na yugto.
Sinelyuhan naman nina Labing-isa at Tayongtong ang panalo ng Couriers matapos maghulog ng anim na sunod na puntos.
Pinamunuan ni Melano ang Blustar (0-7) sa itinalang 22 puntos at 11 rebounds.