GUIMARAS Province — Siniguro ni Jan Paul Morales ng Philippine Navy-Standard Insurance Huwebes ang kasaysayan bilang back-to-back champion sa LBC Ronda Pilipinas matapos nitong tuhugin ang limang karibal tungo sa pagwawagi sa krusyal na Stage 12 Individual Time Trial na nagsimula at nagtapos dito sa harap ng Provincial Capitol.
Itinala ng 31-anyos na si Morales ang kabuuang 1 oras, 5 minuto at 42 segundo sa 40-kilometrong lusong-akyatin na ruta upang lalo pang palawakin ang hawak nitong abante sa overall classification at sa ikalawang sunod na titulo kahit na mayroon pang natitirang dalawang yugto na 208-km Iloilo-Antique-Iloilo Stage 13 at Stage 14 criterium.
“Hindi ko pa po iniisip na sigurado na,” sabi lamang ni Morales. “Kailangan ko po kasi itambak ang oras para kahit na anuman ang mangyari bukas at sa criterium ay mayroon akong komportableng lamang sa kalaban.”
Nagawang tuhugin ni Morales ang kakampi na si Rudy Roque, Cris Joven ng Kinetix Lab-Army, Bryant Sepnio ng Go for Gold, Leonel Dimaano ng RC Cola-NCR at Ryan Serapio ng Team Ilocos Sur upang halos walisin ang lahat ng mga kategorya kabilang na ang Sprint King at King of the Mountain.
Pumangalawa naman na kinulang ng 3 minuto at 31 segundo ang kakampi nito na si Jay Lampawog (1:09:13) habang ikatlo at ikaapat ang Kinetix Lab-Army riders na sina Marvin Tapic (1:09:19) at Mark Julius Bordeos (1:10:04).
Ikalima hanggang ika-10 sina Jonel Carcueva ng Go for Gold (1:10:17), Daniel Ven Cariño ng Navy (1:10:39), Joven ng Army (1:10:54), Joel Calderon ng Navy (1:11:02), Lloyd Lucien Reynante ng Navy (1:11:11) at Anthony Del Rosario ng Army (1:11:20).
Mula sa dating dalawang minuto ay napalobo ni Morales sa 9 minuto at 17 segundo sa kabuuang 38:31:38 oras ang kalamangan nito kontra kay Roque (38:40:55) at 16 minuto at 19 segundo kontra kay Joven (38:47:57).
Nanatili sa ikaapat si Sepnio (38:55:05) habang umangat si Carino mula ikapito tungo sa ikalima (38:59:07). Ikaanim hanggang ika-10 sina Dimaano (38:59:24), Reynante (38:59:54), Ronald Lomotos (39:00:20), Serapio (39:01:27) at Reynaldo Navarro ng Army (39:02:44).
Matapos ang ITT sa Guimaras ay magtutuloy ang karera sa 209-km Iloilo-Antique-Iloilo Stage 13 sa Biyernes at ang panghuli sa Iloilo na Stage 14 criterium Sabado.
Nakataya sa Ronda Pilipinas ang P1 milyon para sa kampeon mula sa presentor LBC kasama ang MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.