Morales namumuro sa back-to-back Ronda title

KRUSYAL ang natitirang tatlong yugto para kay Jan Paul Morales ng Navy-Standard Insurance sa pinakaaasam nito na maging kauna-unahang back-to-back champion ng LBC Ronda Pilipinas.
Gayunman, kailangan muna ng 31-anyos na si Morales na tutukan ang krusyal na Stage 12 na Individual Time Trial na gaganapin bukas sa Guimaras bago isipin ang korona ng LBC Ronda Pilipinas 2017.
Alam ni Morales na “make or break” ang Stage 12 para sa kampanya nito sa ikalawang sunod na Ronda title.
Maagang nagtungo sa Iloilo si Morales at mga kakampi nito sa Navy para maagang paghandaan ang mga tatahaking ruta sa huling tatlong yugto ng Ronda.
Huling nagsagawa ng karera ang Ronda sa Stage 11 na mula sa Calamba papuntang Antipolo bago nagpahinga ng isang linggo.
Magbabalik ang Ronda Pilipinas bukas sa Guimaras bago sundan ng 209-km Iloilo-Antique-Iloilo na Stage 13 at ang panghuling 50-km Stage 14 criterium na gagawin din sa Iloilo City.

“Kung magagawa ko pa rin kapitan ang liderato matapos ang ITT sa Guimaras, sa palagay ko sigurado na sa akin ang korona,” sabi ni Morales na napagwagian ang dalawa sa tatlong nakatayang titulo sa nakaraang taon.
Nangunguna si Morales sa individual standing kabuuang tiyempo na 37 oras, 25 minuto at 56 segundo pero nasa likuran niya ang kakampi sa Navy na si Rudy Roque na may oras na 37:28:11 habang nasa ikatlong puwesto si Cris Joven ng Kinetix Lab-Army (37:37:03). —Angelito Oredo

Read more...