Pacquiao-Khan fight tuloy na sa Abril 23

KINUMPIRMA na nina Pinoy boxing superstar Manny Pacquiao at British fighter Amir Khan Linggo ang kanilang paghaharap sa Abril 23.

Nag-tweet si Pacquiao sa kanyang Twitter account na: “Negotiations between team Pacquiao and team Khan have come to terms for the April 23 bout as this is what the fans wanted.#PacquiaoKhan”.

Makalipas ang ilang minuto ay nag-tweet naman ang 30-anyos na si Khan sa kanyang opisyal na Twitter feed na: “My team and I have agreed terms with Manny Pacquiao and his team for a super fight #pacquiaokhan #April23rd”.

Hindi naman binanggit ng dalawa kung saan gaganapin ang kanilang laban subalit ayon sa isang source mula sa kampo ni Pacquiao isasagawa ito sa United Arab Emirates.

Ang promoter ni Pacquiao na si Bob Arum ay nauna nang sinabi noon  na, “Manny is trying to get a fight done in the United Arab Emirates, and the people there favour him fighting Amir Khan”.

Ang mga tagapagsalita naman ng World Boxing Organization welterweight champion na si Pacquiao ay hindi naman agad nakapagbigay ng kanilang komento tungkol dito.

Nauna nang kinumpirma ng 38-anyos na si Pacquiao sa Twitter na may negosasyong nagaganap para makasagupa si Khan bagamat nais sana ni Arum na makaharap nito ang Australian boxer n asi Jeff Horn sa Abril.

Nag-tweet noong Pebrero 11 si Pacquiao na: “See you in UAE for my next fight. #TeamPacquiao”.

Naglagay rin si Pacquiao ng poll sa kanyang opisyal na Twitter feed kung saan tinanong niya ang mahigit 110,000 followers kung sino kina Horn, Khan, American fighter Terence Crawford at Briton boxer Kell Brook ang gusto nilang susunod na makakalaban nito.

Nangunguna naman si Khan sa nasabing poll nang ito ay alisin ni Pacquiao.

Read more...